Monday, April 18, 2016

ANG BUHAY HABANGBUHAY



Hoy! Bakit ka malungkot? May pinagdadaanan ka noh? Aminin mo. Ikaw kasi eh. Nung isang linggo nabalitaan ko. Bigla bigla mo nalang daw tinatakasan ang problema at realidad na nakahain sayo. Harapin mo iyan, Oy. Hindi porket may nag-aya sayo ng inuman sa labas at sasama ka upang maibsan lang ang kalungkutan mo ngayon at aayon ka na sa kanila. Hindi sagot sa problema ang paglalasing. Humanap ka ng solusyon. Doon ka tumuon.

Kung nakakalimutan mo  na hindi nawawala sa paligid natin ang mga negatibong bagay. Lamoiyan. Gusto mo ng example? Katulad nalang kanina ng jeepney driver na sinakyan ko na ayaw ibigay ang sukli ko na kung di ko pa tatanungin, hindi pa ibibigay. At siya pa galit kapag tinanong. Yun ang matindi. Wala eh, ganyan talaga ang buhay dito sa ibabaw, minsan kailangan magtimpi. May oras kung kailan dapat tumapang. Nakakapikon dahil palaging ganun ang ugali paminsan, anu pa bang magagawa ko, kundi tawanan nalang. Dapat ganun ka din.

Hay nako. Sabi ko nga sayo. Mapanakit ang biro ni tadhana. Nakakatawa nga na ang manghuhudas pala minsan sayo ay yung kaibigan mong matalik. Ako rin eh.  Hindi ko inaakalang siya pala ang dahilan ng pagkawakas ng maganda niyong relasyon.  Ayun, ganun talaga, ang guhit ng kapalaran pero nasa palad mo pa rin naman. Hawak mo pa rin yan.

Saka, lumayo ka na sa bisyo mo. Ikaw, ako, siya lahat tayo may dinadalang mabibigat na pasanin. Magkakaiba man ng pagkakataon at panahon pero iisa lang tayo ang dahilan. Tandaan, ang saranggolang pinapalipad kaya nakakalipad sa himpapawid kasi hindi iyon umaayon sa hangin. Mas lalong tumataas. Sumasalungat siya sa direksyon ng hangin. Kaya sinasabi ko na sayo. Kahit na nasa tuktok ka pa ng tagumpay ngayon. Ikaw ang mamimili. Hindi ka ililigtas ng halaman, harapin mo ang katotohanan. May nawala man sayo. Pero alalahanin mo na sa bawat katapusan, may kasunod naman na simula ulit.

Kaya hinga ka lang ng malalim, kaibigan. Diba minsan wala ka naman ginagawa sa kanila, ginugulo ka ng ibang tao. Pilit ka nilang binababoy. Pilit ka nilang iniinsulto. Hanggang sa maubos ng husto ang iyong pasensya. Putol na ang pisi mo. Hindi pa rin sila tumitigil sa pang aasar sayo. Hayaan mo lang sila, kasama sa istorya ng buhay natin ang ganyang nilalang. Kaya wala ka ng ibang choice kundi lumaban din talaga.  

Tapos, sabi mo pa. umaaray na ang bulsa mo sa dami ng gastusin mo. Nagtitipid ka pa niyan ah. Anong nangyari sa sahod mo? Yung kinita mo, wala ng natitira kundi para sa lahat ng pambayad sa upa at utang. Kinukulang na rin pati ang matrikula para sa anak mo. Okay lang yan. Makakaraos ka din diyan.

Wag kang titigil. Oh ano? Sawang sawa ka na ba sa utang ng iba na di pa nababayaran sayo. O utang mo na hindi na di mo pa nababayaran sa kapitbahay niyo. Paano mo iaahon ang sarili mo sa loob ng kahon na ito? Kung ako sayo. Magtiwala ka lang na malalagpasan mo yan. Konting sikap pa.

Mabanggit ko rin pala. Pati pa yung mabisyong makaibigan mo di pa rin nagbabago. Hindi mo alam kung tutulungan mo siya o titignan nalang. Nilamon na siya ng sistema. Alam mo yan. Iba na ang kinikilos niya ngayon. Nakapagtataka na. Sino ang uunahin mong tulungan, sarili mo o siya? Nasa sa iyo yan.

Ganunpaman, manatili kang matibay ang loob. Oo, kadalasan kung sino pa ang dapat na kapitan natin ng problema ay siya pa mismo ang humahatak sa atin pababa. Kalimutan mo ang mapanakit na magulang mo. Oo, may dahilan magalit sa kanila pero kung itutuon mo ang sarili mo sa bagay na makakatulong sayo ng maganda, iyon ang piliin mo dapat. Magulang mo pa rin sila. Sila pa rin ang nagpalaki sayo. Mangarap ka na balang araw, ikaw naman ang kakapitan nila at titingalain naman ng ibang tao.

Basta wag kang papatangay. Lalo na rin sa mga puro pautot sa mundo ng politika. Alam ko apektado ka rin niyan. Alam naman natin na pinaniniwala nila tayong iaangat nila ang ating kabuhayan. Tutulungan nila tayong maging maginhawa ang pamumuhay natin. Kung magsisikap ka pa ng todo, hindi mo na kakailanganin pang humingi ng tulong sa gobyerno.

At ang pinaka importante, magmahal ka ulit. Oo, sabihin na nating ang sarap ng walang bangayan sa isang relasyon, kaso habang tumatagal, mas lalo lang lumalala ang pag aaway niyong mag asawa. Umabot na sa sakitan. Umabot na sa hiwalayan. Tama!? Anuman ang naging puno’t dulo nito. Magsisi ka at magmahal muli. Marami pang pagbabagong mangyayari. Tanggapin mo ang katotohanan na ang nakalipas ay hindi na maibabalik pa. Ilagay mo ito sa dapat kalagyan.

Ayaw mong maniwala? feeling mo, wala na talagang pagbabago? Meron. Laging may pagbabago. Sabi ko nga sayo. Magulo man. Masakit man. Eto! Katulad nalang ng kahapon lang na sinabi mong biglang sumagi sa isipan mo ang kataksilan ng iyong karelasyon noon. Kwento mo sakin yan diba. Magbabago din ang lahat. Tutuwid din ang baluktot. Kaya ihanda mo iyong natitirang lakas sa inaasahang mong magandang mangyayari. Iyon ang pinakamahalaga.

Alalahanin mo pa rin kung paano ang tunay na pagmamahal, mahalaga ang  pagmamahal. Hindi ka nag iisa. Ang buhay ay para sa lahat.  Laging may grasya. Papasukin mo sa sarili mo ang biyaya na kinakaloob sayo. Alalahanin mo kung sino ka.

Baka lang kasi wala ka pa rin balak na ayusin ang gusot sa pagkatao mo. Sundin mo ang nilagay mong goals. Diba meron ka nun. Pinakita mo sa akin, nung kalian lang. Nirereklamo mo diba na halos paulit ulit nalang ang trabaho mo. At hindi mo to gusto. Paano mo nasabing magkaparehas lang ang ngayon at bukas, Tsong magkaibang magkaiba iyon. Tignan mo ng maigi. Paganda ng paganda ang buhay ng tao. Masaya ang ngayon kung hindi ka na nakahawak sa kahapon.

Gumising ka sa kasalukuyan. Pagtiyagaan mo lang tuparin ang mga gusto mo. Makakabangon ka diyan. Oh diba, nasabi ko na sayo na ang ganda ganda ng buhay natin. Ikaw nalang ang hinihintay kumilos.
Maghangad ka ng pagbabago. Sayo manggagaling iyan. Magsimula ka ng pagbabago.
Wala ka man magawa dahil feeling mo nakakulong ka pa rin sa sistemang nakaka-badtrip. Mapapamura ka nalang talaga. Yung parang halik ka pa rin sa pwet ng ibang tao. Upang hindi lang sila magalit. Para di lang sila masira sa iba, dahil kailangan mong kumita ng pera, sunod sunuran ka nalang. Sabi ko nga sayo. Magbabago din ang lahat. Paunti unti. Sikapin mo pa rin.

Wag mong kakalimutan na dalhin nalang ang masasayang bagay ngayon. Yun lang ang baunin mo ngayon.  Tumawa ka ng malakas.
Papayag ka nalang ba na kung ano ang idinikta ng iba sayo. Oo ka nalang  kagad. Kung ano ang kasama mo? ganun ka nalang din? Matuto kang magdesisyon para sa sarili mo. Kaya mo yan.

Salita lang ang sinasabi nila sayo kung nilalait ka nila. Words lang yan. Wag kang papa-apekto. Nagkakamali ka rin. Minsan diba, may mga nabitawan kang salita na alam mo sa sarili mong nagkamali ka pero sa kanila hindi pa rin nila iyo matanggap. Humingi ka pa rin ng patawad kung may nagagalit sayo.
Kumalma ka lang ng konti. Hinay hinay. Talikuran mo na ang kahapon. Harapin mo ang ngayon. Sulitin ang bawat oras. Yakapin mo ang bawat umaga.
Sagupain mo ang paparating na alon. Hindi mo ikamamatay iyan. Magtiwala ka lang na ilalagay ka niyang pagsubok na iyan sa lugar na mas lalo ka pang matututo. Na kung saan mas lalo ka pang titibay sa buhay.
Wag ka mawawalan ng pag asa. Wag ka mawawalan ng pananampalataya sa sarili. Kapag sayo nanggaling ang panghihina, wala na talaga. Talo ka na talaga. Kaya laban pa. Sugod pa.
Mag isip ka rin ng masaya.
Ang mga sumusuko. Ang laging natatalo. Abutin mo ang iyong gusto. Talikuran na ang kahapon.


No comments:

Post a Comment