Monday, April 18, 2016

ANG BUHAY HABANGBUHAY



Hoy! Bakit ka malungkot? May pinagdadaanan ka noh? Aminin mo. Ikaw kasi eh. Nung isang linggo nabalitaan ko. Bigla bigla mo nalang daw tinatakasan ang problema at realidad na nakahain sayo. Harapin mo iyan, Oy. Hindi porket may nag-aya sayo ng inuman sa labas at sasama ka upang maibsan lang ang kalungkutan mo ngayon at aayon ka na sa kanila. Hindi sagot sa problema ang paglalasing. Humanap ka ng solusyon. Doon ka tumuon.

Kung nakakalimutan mo  na hindi nawawala sa paligid natin ang mga negatibong bagay. Lamoiyan. Gusto mo ng example? Katulad nalang kanina ng jeepney driver na sinakyan ko na ayaw ibigay ang sukli ko na kung di ko pa tatanungin, hindi pa ibibigay. At siya pa galit kapag tinanong. Yun ang matindi. Wala eh, ganyan talaga ang buhay dito sa ibabaw, minsan kailangan magtimpi. May oras kung kailan dapat tumapang. Nakakapikon dahil palaging ganun ang ugali paminsan, anu pa bang magagawa ko, kundi tawanan nalang. Dapat ganun ka din.

Hay nako. Sabi ko nga sayo. Mapanakit ang biro ni tadhana. Nakakatawa nga na ang manghuhudas pala minsan sayo ay yung kaibigan mong matalik. Ako rin eh.  Hindi ko inaakalang siya pala ang dahilan ng pagkawakas ng maganda niyong relasyon.  Ayun, ganun talaga, ang guhit ng kapalaran pero nasa palad mo pa rin naman. Hawak mo pa rin yan.

Saka, lumayo ka na sa bisyo mo. Ikaw, ako, siya lahat tayo may dinadalang mabibigat na pasanin. Magkakaiba man ng pagkakataon at panahon pero iisa lang tayo ang dahilan. Tandaan, ang saranggolang pinapalipad kaya nakakalipad sa himpapawid kasi hindi iyon umaayon sa hangin. Mas lalong tumataas. Sumasalungat siya sa direksyon ng hangin. Kaya sinasabi ko na sayo. Kahit na nasa tuktok ka pa ng tagumpay ngayon. Ikaw ang mamimili. Hindi ka ililigtas ng halaman, harapin mo ang katotohanan. May nawala man sayo. Pero alalahanin mo na sa bawat katapusan, may kasunod naman na simula ulit.

Kaya hinga ka lang ng malalim, kaibigan. Diba minsan wala ka naman ginagawa sa kanila, ginugulo ka ng ibang tao. Pilit ka nilang binababoy. Pilit ka nilang iniinsulto. Hanggang sa maubos ng husto ang iyong pasensya. Putol na ang pisi mo. Hindi pa rin sila tumitigil sa pang aasar sayo. Hayaan mo lang sila, kasama sa istorya ng buhay natin ang ganyang nilalang. Kaya wala ka ng ibang choice kundi lumaban din talaga.  

Tapos, sabi mo pa. umaaray na ang bulsa mo sa dami ng gastusin mo. Nagtitipid ka pa niyan ah. Anong nangyari sa sahod mo? Yung kinita mo, wala ng natitira kundi para sa lahat ng pambayad sa upa at utang. Kinukulang na rin pati ang matrikula para sa anak mo. Okay lang yan. Makakaraos ka din diyan.

Wag kang titigil. Oh ano? Sawang sawa ka na ba sa utang ng iba na di pa nababayaran sayo. O utang mo na hindi na di mo pa nababayaran sa kapitbahay niyo. Paano mo iaahon ang sarili mo sa loob ng kahon na ito? Kung ako sayo. Magtiwala ka lang na malalagpasan mo yan. Konting sikap pa.

Mabanggit ko rin pala. Pati pa yung mabisyong makaibigan mo di pa rin nagbabago. Hindi mo alam kung tutulungan mo siya o titignan nalang. Nilamon na siya ng sistema. Alam mo yan. Iba na ang kinikilos niya ngayon. Nakapagtataka na. Sino ang uunahin mong tulungan, sarili mo o siya? Nasa sa iyo yan.

Ganunpaman, manatili kang matibay ang loob. Oo, kadalasan kung sino pa ang dapat na kapitan natin ng problema ay siya pa mismo ang humahatak sa atin pababa. Kalimutan mo ang mapanakit na magulang mo. Oo, may dahilan magalit sa kanila pero kung itutuon mo ang sarili mo sa bagay na makakatulong sayo ng maganda, iyon ang piliin mo dapat. Magulang mo pa rin sila. Sila pa rin ang nagpalaki sayo. Mangarap ka na balang araw, ikaw naman ang kakapitan nila at titingalain naman ng ibang tao.

Basta wag kang papatangay. Lalo na rin sa mga puro pautot sa mundo ng politika. Alam ko apektado ka rin niyan. Alam naman natin na pinaniniwala nila tayong iaangat nila ang ating kabuhayan. Tutulungan nila tayong maging maginhawa ang pamumuhay natin. Kung magsisikap ka pa ng todo, hindi mo na kakailanganin pang humingi ng tulong sa gobyerno.

At ang pinaka importante, magmahal ka ulit. Oo, sabihin na nating ang sarap ng walang bangayan sa isang relasyon, kaso habang tumatagal, mas lalo lang lumalala ang pag aaway niyong mag asawa. Umabot na sa sakitan. Umabot na sa hiwalayan. Tama!? Anuman ang naging puno’t dulo nito. Magsisi ka at magmahal muli. Marami pang pagbabagong mangyayari. Tanggapin mo ang katotohanan na ang nakalipas ay hindi na maibabalik pa. Ilagay mo ito sa dapat kalagyan.

Ayaw mong maniwala? feeling mo, wala na talagang pagbabago? Meron. Laging may pagbabago. Sabi ko nga sayo. Magulo man. Masakit man. Eto! Katulad nalang ng kahapon lang na sinabi mong biglang sumagi sa isipan mo ang kataksilan ng iyong karelasyon noon. Kwento mo sakin yan diba. Magbabago din ang lahat. Tutuwid din ang baluktot. Kaya ihanda mo iyong natitirang lakas sa inaasahang mong magandang mangyayari. Iyon ang pinakamahalaga.

Alalahanin mo pa rin kung paano ang tunay na pagmamahal, mahalaga ang  pagmamahal. Hindi ka nag iisa. Ang buhay ay para sa lahat.  Laging may grasya. Papasukin mo sa sarili mo ang biyaya na kinakaloob sayo. Alalahanin mo kung sino ka.

Baka lang kasi wala ka pa rin balak na ayusin ang gusot sa pagkatao mo. Sundin mo ang nilagay mong goals. Diba meron ka nun. Pinakita mo sa akin, nung kalian lang. Nirereklamo mo diba na halos paulit ulit nalang ang trabaho mo. At hindi mo to gusto. Paano mo nasabing magkaparehas lang ang ngayon at bukas, Tsong magkaibang magkaiba iyon. Tignan mo ng maigi. Paganda ng paganda ang buhay ng tao. Masaya ang ngayon kung hindi ka na nakahawak sa kahapon.

Gumising ka sa kasalukuyan. Pagtiyagaan mo lang tuparin ang mga gusto mo. Makakabangon ka diyan. Oh diba, nasabi ko na sayo na ang ganda ganda ng buhay natin. Ikaw nalang ang hinihintay kumilos.
Maghangad ka ng pagbabago. Sayo manggagaling iyan. Magsimula ka ng pagbabago.
Wala ka man magawa dahil feeling mo nakakulong ka pa rin sa sistemang nakaka-badtrip. Mapapamura ka nalang talaga. Yung parang halik ka pa rin sa pwet ng ibang tao. Upang hindi lang sila magalit. Para di lang sila masira sa iba, dahil kailangan mong kumita ng pera, sunod sunuran ka nalang. Sabi ko nga sayo. Magbabago din ang lahat. Paunti unti. Sikapin mo pa rin.

Wag mong kakalimutan na dalhin nalang ang masasayang bagay ngayon. Yun lang ang baunin mo ngayon.  Tumawa ka ng malakas.
Papayag ka nalang ba na kung ano ang idinikta ng iba sayo. Oo ka nalang  kagad. Kung ano ang kasama mo? ganun ka nalang din? Matuto kang magdesisyon para sa sarili mo. Kaya mo yan.

Salita lang ang sinasabi nila sayo kung nilalait ka nila. Words lang yan. Wag kang papa-apekto. Nagkakamali ka rin. Minsan diba, may mga nabitawan kang salita na alam mo sa sarili mong nagkamali ka pero sa kanila hindi pa rin nila iyo matanggap. Humingi ka pa rin ng patawad kung may nagagalit sayo.
Kumalma ka lang ng konti. Hinay hinay. Talikuran mo na ang kahapon. Harapin mo ang ngayon. Sulitin ang bawat oras. Yakapin mo ang bawat umaga.
Sagupain mo ang paparating na alon. Hindi mo ikamamatay iyan. Magtiwala ka lang na ilalagay ka niyang pagsubok na iyan sa lugar na mas lalo ka pang matututo. Na kung saan mas lalo ka pang titibay sa buhay.
Wag ka mawawalan ng pag asa. Wag ka mawawalan ng pananampalataya sa sarili. Kapag sayo nanggaling ang panghihina, wala na talaga. Talo ka na talaga. Kaya laban pa. Sugod pa.
Mag isip ka rin ng masaya.
Ang mga sumusuko. Ang laging natatalo. Abutin mo ang iyong gusto. Talikuran na ang kahapon.


Friday, April 8, 2016

ISNACKUNAT BA O MALI NA?



Nasasaktan ako na hindi ko alam. Shet! Kung bakit ganoon masakit. Hindi ko alam kung nasa tama pa ba ako o sablay na mga desisyon ko ngayon. Di ko pa alam.  I don’t know. I don’t know. Ito ilalahad ko na.
Kasi ganito iyon, nung lunes, ngayong first week of April, nagtext sakin ang mudra ko na humihingi siya ng datong para sa alis niya sa Baguio. Ito ay isang activity sa kanilang simbahan. Wala namang masama sa umalis at pumunta siya doon (wala naman akong karapatan para pigilan si mama eh, sino ba naman ako). Ang problema nga lang, wala akong maibigay sa kanya. Sa makatuwid, wala akong mailabas na kaperahan sa hinihingi niyang pabor, wala akong maipaluwal. Kung mayroon naman akong maibibigay. Go naman ako kagad eh. Ang tanong ko naman, bakit sa halagang 4k ang hinihingi niya? Nalalakihan ako sa ganung halaga. Kung babalikan ko naman, noong college pa ako kapag humingi din ako sa nanay at tatay ko ng tuition fee, hirap na hirap din sila maglabas ng pera para sa akin. (Ano bang problema bakit di natin mailabas ang gusto nating ilabas, hahaha). Hindi naman sa nanunumbat ako pero parang ganun na nga. Umikot lang ba talaga ang mga pangyayari ngayon? Ang panget tignan diba kung bibigyan ko pa ng kahulugan ang nakalipas na. Ang gusto ko lang mangyari. Sana kapag may alis si Mama, i-plano niya ng maigi, kaya kame nagkakaron ng financial problem. Magpatulong siya kung mahirap talaga ang alis niya. Mahal ko ng sobra ang nanay ko. I lurve her sobra sobra. Marami kasi akong tanong sa balak niya. Una, afford ko ba ang 4k na iyon? Ang sagot ko, di kop o afford. May ipon ako pero dapat ko bang gastahin yun para dun. Di naman iyon emergency or necessary. Saka suggest ko lang sa kanya, sana kung tungkol na ito sa simbahan, sana sagutin na ito ng simbahan. Gusto kong tulungan ang nanay ko bilang pasasalamat sa lahat ng naitulong niya sa akin sa maraming panahon na ginugol niya sa pamilya namin. Naibibigay ko naman ang pag aabot sa kanya kapag maliit na halaga ng pera pero kapag malaki na parang umaaray na ako. Iniisip ko kasi, namo-mrobblema lang ako para sa ipon ko. Masakit sa akin masira ang plano kong financial. Totoo! Iniisip ko din ang mahahalagang bagay na pwedeng pag gamitan ng naipong pera. Pangalawa, Reasonable ba ang alis niya? (ang weird pakinggan na nanggaling sa akin pero yan lang ang naging guide ko) Naalala ko tuloy noong mga panahong kapag nare-request ako sa nanay ko ng mga laruan o gamit, ang isinasagot nila sa akin ay “Hindi mo naman kailangan yan eh”.Parang ganun din ngayon, hindi kailangan kagad ng alis niya, pwedeng sa nextmonth nalang siya sumama sa mga friends niya.  Pero kung emergency, willing akong ibigay lahat ng pera ko. Mas iniisip ko kasi yung mga bagay na kapag ginasta ko, sulit ang pupuntahan, dumidikit lang po sa realidad. Haha Kung magbabakasyon lang naman din ang nanay ko sa Baguio at church activity ito, dapat sagot ni Lord ang pamasahe nila. I mean, ipagpray namin kung kinakailangan. May mga bills at savings pa kaming dapat pagtuunan ng pansin. Oh sige, sasabihin sa akin ng iba, “ang kuripot mo naman, regalo mo na sa nanay mo iyon” Opo alam ko po iyon. Masakit din po para sa akin na hindi makapagbigay sa hiling ng nanay ko, nagkataon din talaga na nagkaproblema ako sa financial ngayon. Tingin ko lang, di maganda na diktahan natin ang ating mga magulang pero sana minsan kasi ang kasakiman kailangan din natin ituro sa mga magulang natin eh. hahaha. Minsan kasi kala ng magulang naten tumatae tayo ng pera. Hindi po, nagpapawis po kami ng dugo. Haha Kala nila porket may trabaho hindi na nagkukulang. Gusto ko nga sanang sabihin yung 4k na yan, kung ipinang-grocery yan, mahaba pa tatakbuhin niyan. Naalala ko tuloy ang sermon sa akin ng nanay ko na hindi pinupulot ang pera kung saan saan. haha Kung tayo nga minsan nagagalit tayo kapag nagbigay tayo sa anak natin ng baon tapos nalaman nating naglakwatsa lang pala siya, diba maiinis tayo. Kasi nga hindi mahalaga ang pinuntahan ng pera.  Di ko sinasabing maglalakwatsa lang ang nanay ko kasi tungkol ito sa simbahan, ang ibig ko lang sabihin, kung alis ito ng simbahan, magtulungan din sila. Mahalaga ang pera. Mahalaga ang halaga ng pera. Pag ipunan ng simbahan ang alis ng bawat miyembro. Ayokong masira relasyon namin ng nanay ko. Mahal na mahal ko ang nanay ko. Sana maintindihan niya ako. Lagi ko naman binibigyan ang nanay ko, ngayon lang talaga nangyari na hindi ako makapagbigay, ngayon lang ako pumalya. In a way, nirerespeto ko naman ang hangarin ng magulang ko na makapaghatid ng mabuting balita sa baguio pero hindi lang kasi praktikal. Ako naman di naman ako naghahangad ng kapalit eh. Ano man narrating ako, ako pa din ito. Wika nga ng mayayaman, money is not the guarantee of success. Charot. Ang pera, papel lang yan. Hahaha joke ulit. Ang akala kasi nila galing ako sa middle class to riches, na hindi na dumaan sa rags. Di po totoo iyon. Rags to riches po ako. Charot
Pangarap ko sa nanay ko na mai-travel siya sa ibang bansa, nasasaktan ako ngayon dahil di ko magawa dahil minsan talaga kinakapos. Never kong pinautang ang nanay ko at naghintay ako ng kapalit. Sana kasi may savings din si mama eh. Sinubukan kong kausapin ang nanay ko tungkol sa mga options ko para dito pero di eh, wala eh, napunta lang sa pag aaway namen.

Babawi ako sayo mama. Wait ka lang po. Pangako ko po yan.  Ibibigay ko sayo lahat ng gusto mo.  Magha-hire pa ako ng limang katulong para sayo. 

Thursday, March 31, 2016

ANG DIYOS KONG BLANKONG PAPEL



Sa isang lugar sa Antipolo ay mayroong museo na kung saan sa loob nito ay may mga naka-display na iba’t ibang disenyo ng mga arts. Mayroon mga nakasabit sa dingding at pader. Mayroong hugis tao na gawa sa kahoy na nakatawa ang mukha. Mga sinaunang sasakyan. Mga sinaunang baso. Mga pinaglumaang kagamitan sa loob ng bahay. Iba-ibang klase at uri ng art na historical sa pilipinas, maypagka-scientific kung iisipin, maypagka-artistic o kaya naman ay cultural basta gawa lahat ng mga Pinoy. Nandun sila nakatambay.

Si Jin ay isang lider ng isang samahang relihiyoso sa ating bansa. Napansin niyang may isang lalaki na ang tagal tumitig sa isang painting. Binata iyon kung titignan. Sa painting na iyon ay nakapinta ang isang ‘umaapoy na bundok’. Maganda kung titignan tong painting na to, malalim ang kahulugan. Matagal na nakatingala ang lalaki sa painting na ito. Sa bawat pag-oobrserba niya sa paintings ay tinitignan niya rin ng maigi ang kanyang hawak na papel. Nagtaka si Jin sa ginagawa ng lalaking ito. Minarapat nalang niyang kausapin at tanungin upang sa gayun malaman ang ginagawa nito.

Kinausap ni Jin ang lalaki sa malumanay na paraan.
Jin: Sir, anong pangalan mo?
Ken: ahm Ako si Ken. (At ito’y nagpatuloy ulit  sa pagsilay silay sa isang disenyong kanyang minamasdan)
Jin: Pwede ko bang matanong kung ano ang interpretasyon mo sa larawang iyan, pati na rin sa papel na hawak mo? (Paturo sa papel na tinitignan ni Ken.)
JIn: Pasensya na sa tanong ko diyan ah? (Nagtanong hinggil sa papel.)
Sagot ni Ken.
Ken: Maaari ko kayang sambahin itong papel na ito? Maaari rin kayang maging propeta to?
Tinignan niya naman ang papel na ito sa taas, sa baba at sa iba pang anggulo na kung saan natatapatan ito ng ilaw. Sinisilasat niya ng husto ang hawak niyang papel.
Nagtaka si Jin sa sinabi nito. Isang kahibangan kung iisipin.
Jin: Ha? Papel sasambahin mo? Okay ka lang sir? Diyos mo yan?

Lumakad nalang palayo si Ken. Hindi na pinansin ang mga pinagtatanong ni Jin. Tinignan niya naman ang ibang larawang nakadikit sa dingding. Sa pagkikilatis nito sa bawat disenyo. Tinitignan din siya ni Jin sa bawat galaw niya. Nahihiwagan si Jin sa ikinikilos nito. Misteryoso kung iisipin dahil walang kahit na anong paliwanag ang sinasabi nito tungkol sa papel. Isang relihiyoso si Jin kaya nagkaroon siya ng interes na kausapin ito.  
Nilapitan niya parin si Ken. Nangulit ng nangulit siya sa taong ito. Mayroon siyang gustong malaman tungkol sa sinasabi nitong papel. Lumapit muli si Jin sa lalaki.
Jin: Ano ba ang sinasabi mo? Ano bang mayroon diyan sa papel na yan? (Hindi nagpaistorbo si Ken sa kanyang hinahanap.)
Ken: Wala to, wag mo kong pansinin. May hinahanap lang ako.

Kaya wala ng nagawa si Jin kundi tigilan nalang ang taong iyon. Nag-iba nalang siya ng ruta papalayo kay Ken sa pagtitingin ng ibat ibang disenyo ng mga paintings. Sa kabilang lugar, nagkasalubong muli si Jin at Ken.

Nagkatitigan.
Jin. Ikaw na naman?
(Hindi nalang nagsayang ng panahon si Jin)
 Jin: Hmmmm Maaari ba kitang makausap? Okay lang ba?
Ken: Bakit ba ang kulit mo? Pwede ba tantanan mo ko?
Jin: Masama bang makipagkaibigan sayo at makilala ka?
Ken: Hindi naman, pero nakukulitan ako sa ginagawa mo sa akin. Tanong ka ng tanong.
Jin: Sorry na patawarin mo na ako. Ano ba kasi yang hawak mong papel? Nahihiwagaan ako diyan sa hawak mo at sa sinabi mo.
Ken: Gusto mong malaman? Hindi ka naman maniniwala kung ipapaliwanag ko eh. Isa ka din na katulad ng iba. Akala nila kabaliwan ang mga sinasabi ko.
Jin: Makikinig nga ako kahit ano pa yan.
Ken: Sige. Payag na ako. Ganito kasi yan, nakadampot na naman ako ng isang blankong papel sa lugar din mismo na to. Siguro nahulog to galing sa Itaas.
Jin: “Saan? Sa dingding?” (Tumingin si Jin sa itaas, wala naman siyang nakitang papel na pwedeng malaglag. ) “Wala namang papel ah.” Sabi ni Jin.
Ken: Malinis at walang bahid ng dumi ang papel na to. Para sa akin, ito ang pinaka simbolo ng aking bagong umaga. Kalakip nito ang bagong pag-asa. Nangangahulugan na ang walang kasulat sulat na papel na to ang siyang pinaka magandang pahinang makikita ko ngayon. Walang kasaysayan kung hindi inilimbag sa blankong papel na kagaya nito ang lahat. Kasiyahan ang idinudulot ng panibagong papel. Nagkakaroon ng makasaysayang simula tungkol sa isang manunulat o istoryang binuo. Masayang makita ang progresong pagbabago sa ating lipunan. Lalo na sa bawat buhay ng tao. Wala ka ng ibang hahapin pang ibang mundo.

Jin: Mundo na yung mga pinagsasabi mo ah. Ang layo mo naman eh. Nasan dun yung propeta o pagsamba?

Ken; Silipin mo ng maigi ang malinis na papel. Ito ay naglalaman ng panibagong mundo. Ang makulay na mundo. Sa kapirasong papel na ito, maaari kang magplano, magsulat, gumuhit, magkulay at kung ano ano pa. Ibig sabihin lang nito, sa apat na gilid ng papel, pwedeng magbura at magkamali tayong lahat. Tanggap ang mga errors. Tanggap ang tinakpang letra na mali ang naisulat.

Jin: Hanep. Lalim. Bakit di ko magets? Hahaha Oo, sabihin na nating blankong papel yan. Pero teka muna. Anong kinalaman nito sa pagsamba mo? Yun kasi ang hinabol ko sayo eh. Pwede ba sagutin mo ako ng matino. Okay lang ba?

Ken: Nasa sayo naman yan kung pakikinggan mo pa ang interpretasyon ko tungkol sa papel na to eh. Kung ayaw mo, edi wag.
Jin: Sige pagbibigyan kita. Ano ba talaga yang papel na yan? Mahahalin ba yan? Mabango ba yan? Paamoy nga.
Inamoy ni Jin ang papel.
Jin: Wala namang kakaiba eh. Niloloko mo lang ako eh.
Ken: Wala ngang amoy na taglay pero may sinasabi naman ito.
Jin: Ano? Nagsasalita ang papel? Haay Kabwisit ka. Ayoko na nga. Kung hindi mo naitatanong, kami? Sa isang araw, tatlong beses kami sumasamba sa aming Panginoon, makapangyarihan ang aming Diyos. Hindi siya nagkulang?
Ken: Nakita mo na ba ang Diyos mo?
Jin: Hindi pa. Pero kung titignan mo ang paligid, kung paano nangyayari ang lahat, masasabi kong buhay na buhay ang sinasamba kong Diyos.
Ken: Yan ang opinyon mo. Nirerespeto ko yan. Maaaring totoo yang sinasabi mo.
Pagpapatuloy ni Ken.
Ken: Unawain mong maigi ah.  Alam mo kung bakit di mo magets ang mga sinasabi ko? Kasi magkakaiba tayo. Tama ba ko dun?
Jin: Tama!
Ken: Ikaw? ano tingin mo sa papel na hawak ko?
Jin: Wala naman, simpleng papel lang. Ano ba yan? Kailangan pa bang pag isipan natin yan ng malalim. Nahihibang ka na ba?

Ken: Sayo yun diba! pero para sa akin. Sa papel na ito, may naghihintay saten lahat. Hindi ko alam kung ano mismo iyon, pero ang alam ko lang, may ipinahihiwatig ang lahat ng ito. Iba’t ibang klase ng istorya, minsan mas malungkot pa sa telenobela.
Jin: Tsk Tsk Tsk. Muntik na akong maiyak dun ah.

Pagpapatuloy ni Ken.
Ken: Minsan ang isinulat sa isang papel na nilamanan ng mga masasayang bagay ngunit walang nakaalam nito ay tila isang sanggol na hindi nabuhay sa sinapupunan. Namatay kagad ito. Siguro dahil sa kapabayaan. Marahil dahil nakatadhana. Ano man yun. Nakatala pa rin yun sa mismong istorya ng lahat. Ang kabuuang kwento ng tao.
Jin: Bibliya ba yan?
Ken: Hindi ako siguro. Maaaring pwedeng iyon ang sagot. Maaaring hinde. Hindi lang istorya o maaring kwento ng isang tao ang mabuo sa blankong papel. Wala tayong pagsisisihan kung hindi natin winalang bahala ang ibinulong ng hangin at ginamit ang mga tinta para maitago ang bagay na ito.

Jin: Matanong ko lang ah. Saan mo ba napupulot yang mga sinasabi mo? Ano ba batayan mo? Walang konek eh.
Ken: Wala! Pero alam kong tama ako. Ikaw alam mong tama ka sa sinasabi mo?
Jin: Oo. Syempre. Yun ang nakasulat sa bibliya eh. Sinusunod namen.
Ken: Paano naisulat? Nakita mo ba ang simula niyon. Paano ito nagsimula sa blankong papel?
Jin: Hindi.
Ken: Kung sa gayun. Hindi ka pa sigurado. Pwede ka pang magtanong ng magtanong.

Pagpapatuloy ni Ken.
Ken: Ito pa halimbawa ko. Kung naisulat lang din naman natin kagad ang nasa isipan natin palagi, di natin makakalimutan ang kumislap na bumbilya sa ulo kung ilalagay ito sa blankong papel.
Jin: Hoy! Hoy! Hoy. Ang dami mong paandar. May sanggol. May tinta. May bumbilya. Ano ba talaga? Di mo pa sinasagot ang tanong ko. Anong pagsamba mayroon diyan? Nagmumukha na akong tanga ah.
Ken: Para sa akin, ito ay may kaluluwa, hindi nakikita.
Jin: Grrrrh. Sige. Ano yan? May kasarian ba yan?
Ken: Pwede. Maaaring may persona. Siya ang aking gabay. Ito ang naglalarawan na siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Itong papel na to? Sa sariling depinisyon ko, ito’y may sukdulang antas.
Jin: Nakakatawa rin ang mga pinagsasabi mo. Sayo lang pala galing lahat ng yan eh.
Sinubukan nalang sabayan ni Jin ang lahat ng mga pinagsasabi ni Ken.  Nabadtrip na siya ng husto.
Jin: Ibig mo bang sabihin, ang blankong papel ang naglalang sa tao? (Pabirong tanong)
Ken: Pwede.
Naisip ni Jin na baka baliw tong kausap niya. Kaya nakipagbaliw baliwan nalang siya.
Jin: Maibigin, mapagsanggalang, at mapagmalasakit ba siya?
Ken: Pwede.
Jin: Weeeee. Haahahaha Parang hindi naman. Papel? Mapagmalasakit? Wow.
Ken: Baliktarain mo man ito na parang aso sa salitang ingles. Siya pa rin iyon.
Jin: Yown. Aso. Lupit ah. Aw! Aw! AW!
Ken: Ang tingin ng iba, ang blankong papel ay pangkaraniwan lamang. Hindi. Mayroon itong laman. Anong klaseng laman? Ang laman na nagsasabi kung ano ang pagkatao natin. Sa malinis na papel na ayaw mo pang sulatan, makikita mo ang sarili mo na parang humarap ka sa salamin. Makikita mo sa papel na wala kang ginagawa kasi hindi ka nagsusulat. Kung nagsusulat ka naman, malalaman mo na ang papel o salamin na sinusulatan mo ay ikaw ang nasa likod ng lahat ng ito.
Jin: Tungkol sa papel lang ata gusto mong sabihin. Dinamay mo lang ata ang Diyos eh.
Nawalan na ng gana si Jin kaya pinaglaruan nalang niya ito
Jin: Eeh ayokong magsulat, ang gusto ko magtype sa computer eh.  HAHAHA eh pano yan?
Ken: Walang tumalino kung hindi dahil sa blankong papel. Walang computer ng hindi dahil sa blankong papel na to. Walang nagawang libro kung walang blankong papel na sinimulan. Walang bahay o gusali na naitayo kung hindi sinulatan sa blankong papel.
Jin: Edi sige. Tuloy mo lang. Layo na nga ng narating natin sa kwento eh. Kala ko nasa mars na to eh. HAHA. May punto kaso tungkol lang naman lahat ng ito sa papel. Echusero ka lang eh.
Ken: Kung gusto mo ng katahimikan. Sabihin mo sa papel. Isulat mo ito. May kaakibat itong katahimikan. 
Jin: Masaya na ako sa buhay ko. Ayoko na. Gusto ko naman ng magulo. hahaha
Ken: Lagyan mo ng laman at istorya ito(ang papel), iingay siya ngunit panandalian lamang. Dagdag mo ng laman, saka lang umiingay. Try mong unawain kasi ang mga pinagsasabi ko. Nakatuon ka lang lahat sa pagsamba eh.
Jin: Wow. Heavy. Bigat.
Humiga nalang sa lapag si Jin, pagpapakita na suko na siya sa sinasabi ni Ken. Hindi pa rin nagpaawat si Ken sa mga matatalinhagang sinasabi niya.

Ken: Ang isang blankong papel ay mapang akit. Wala na akong pinangambahan pa. Naisulat ko ang aking halo-halong emosyon. Nabigyan pa ng solusyon ang bawat tanong.  Mga paksa na humubog sa aking pagkatao. Walang perpektong sulat kaya tinutuloy ko lang to. Mangawit man, ikakaskas ko pa rin ang aking kamay. Kung sinasabi nilang nagsimula ang lahat sa tuldok, at matatapos din sa tuldok.
Jin: Sabi ko na eh. Nagsusulat ka eh. Mahilig ka gumawa ng kwento na ang hirap paniwalaan ng tao. hahaha
Ken: Hindi mahirap, ayaw mo lang buksan ang isipan mo. Kung nagsimula sa lahat ang blankong papel. Matatapos din sa blankong papel . Paano kung ang hinahanap na tanong nating sa buhay ay yung palang blankong papel. Sinulatan natin. Tapos tayo palang lahat ang matatawag na Creator.
Jin: Dyan ako di maniniwala sayo. Ewan ko sayo. Haaaaay. Sige na nga, uuwi na ko. Pero sagutin mo to. para matapos na kasi ang sakit na ng ulo ko sa mga sinabi mo. Ano ang ibig sabihin lahat ng ito? Buod kumbaga.
Ken: Hindi ka talaga nakiramdam. Pinakinggan mo lang kasi ang sinabi ko. Ibig sabihin lang nito. Kanya kanya tayo ng paniniwala.Wag mong pakialamanan ang pananampalataya ng isang tao. Ang ating Diyos makapangyarihan. Maaaring ikumpara siya sa isang bagay o anuman ngunit ang kapangyarihan niya ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Pero responsibilidad mo pa ring tuklasin siya. Ayun. Tapos ang usapan.
Natulala si Jin: OMG. Yun lang pala ang  papel na gusto niyang sabihin sa  mundo. Nagsayang pa ako ng effort at oras.

Tuesday, March 29, 2016

GWAPO PA RIN ANG MASIPAG


Gusto mo ng magmura sa may-ari ng bahay na ang kulit kulit maningil ng upa. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Kakatanggap mo palang ng sahod, kung ibibigay mo pa sa magulang, feeling mo parang kulang pa. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Masakit na ba ang iyong sintido sa balahura at balasubas mong amo. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Yung tipong ginawa mo naman lahat ng makakaya mo, pero kulang pa rin. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Ikaw naghihirap, pero ang katabi mo, hindi matigil sa paglalaro ng mga games sa phone. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Gusto mo na bang pumatay ng tao dahil di nagbayad yung kumain ng tinitinda mong balot? Kasi tumakbo. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Nag iipon ka ng pera kaso yun nga lang, pam-piyansa nga lang sa tiyuhin mong batugan na may kasong pagnanakaw. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Ang aga mong umalis ng bahay pero ang resulta, late ka pa rin dahil sa buhol buhol na daloy ng trapiko. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Gusto mo sanang tumulong sa mag-asawang nagsasakitan sa gitna ng kalsada kaso nasa loob ka ng bumibiyaheng bus. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Desperado ka na sa malaking pagbabago sa Pilipinas kaya hindi ka na nakikinig sa sinasabi ni Binay at Roxas. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Bilib ka kay Fernando Poe Jr kaso kay Grace Poe, hindi. Sayang namatay na siya eh. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Wala ng laman na tema ang radyo kundi mga  krimen at nabwisit ka sa nangyari  isang matandang babae na ninakawan ng bag ng mga kawatan sa restaurant. Nakita lang sa  CCTV. Hindi nahuli. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Pinag aawayan sa Senado ang milyong milyong kinita nila sa proyektong iyon pero ikaw,  isang libong pera, ang hirap hagilapin. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Naghahanap ka ng matinong trabaho kaso ang hinahanap lang nila ay yung ‘may experience’ lang. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Nakakasawang debate tungkol sa relihiyon at kasarian ng tao. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Pabor ang iba sa gender equality kaya ayaw ng katabi mong magbigay ng upuan sa babaeng nakatayo sa MRT. Tama ba o mali? Wag kang aatras sa bawat hamon.

Kakasahod mo palang, ubos na kagad. Wag kang aatras sa bawat hamon.
May kumontak sayo, 8am daw kayo sa meeting place pero 10am na, di pa dumadating yung kausap mo, nasa biyahe pa rin. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Payag ka nalang ba  na tumunganga sa computer, nag aabang ng bagong update sa Facebook. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Di mo na mapakain ang alagang mong isda sa bahay. Ubos na ang pera mo. Nalulunod na siguro yun. Kaya tinapay nalang ibinibigay mo sa kanya. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Post ng post sa Instagram ang friend mong nasa J.Co Donut na di pa nagbabayad ng utang. Kailangan, siya pa ang hagilapin mo. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Gusto mong patayin yung nakabuntis sa anak mong babae 17 yrs old. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Nag iisip ka ng malalim kung yayaman ka ba sa 8-5 na oras sa trabaho. Wag kang aatras sa bawat hamon.
Wag kang aatras sa bawat hamon.
Yan ang simbolo ng pagsisikap. Nakaka-gwapo ang masipag.

Monday, March 28, 2016

KORONAHAN NIYO AKO


Di ko na hinangad magkaroon ng tropeyo.
Oh tawagin man sa kahit na anung titulo.
Kampeon na ko, mailabas lang kita sa isipan ko,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Nagbayad na ako para sa kahapon, ngayon at bukas,
Hindi ako sigurado sa aking piniling landas,
Ngunit, natitiyak kong may nadagdag akong antas,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Tinamaan ko ng banayad ang target ko,
Inasinta, sinakto at sinentro,
Di pa rin ako nawawala sa linya ko,
Paano ko nasabing panalo na ako?

May tiwala ako sa sarili kong kinang,
Mga bituin ay pinilit kong hawakan,
Nagsindi pa rin ako ng liwanag sa gitna ng dilim,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Ang realidad ng buhay ay sinasabi ko na,
Kulang pa to at obserbasyon ay dadagdagan ko pa,
Totoong pangyayari’y sinulat ko ng mas malaya na
Paano ko nasabing panalo na ako?
Kokote kong malabo nagkaroon ng maraming letra
Parirala, panitikan at komedya ang aking naibida
“ano bang nakakatawa ngayon” ang tanging entrada,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Nagmahal ako sa mga salita ng totoo,
Nalulong sa paglikha ang mga kamay ko,
Ang enerhiya ng pagsulat ay pinalakas ko ,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Ang bawat numero sa kalendaryo nagkaron ng ekis,
Mabigat na kaparusan kapag ang kadena ay bumigkis
Ayoko sa bawat araw, mayroon akong mamintis
Paano ko nasabing panalo na ako?

Sa tulong ng talino, nilabanan ko ang sariling takot,
Hamon ng buhay kumportable kong sinuot,
Pagkamalikhain ang aking naging puot,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Nagsusulat ako para lang sa sarili ko,
Dahil ang sarili ko ay katulad din ninyo,
Ang buhay na dinanas ko, magkaparehas tayo,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Pighati man yan, magsusulat ako,
Sobrang kaligayahan man yan, magsusulat ako,
Unos na humarang, magsusulat ako,
Paano ko nasabing panalo na ako?

Napahagahan ko ang bawat karakter ng istorya,
Lawak ng isip ko ay naging makinarya,
Paano ko nasabing panalo na ako?
Ginawa ko lang ang gusto ko.

Koronahan niyo ako.



WELCOME TO YOUR FINAL DESTINATION


“Paglaki ko, pangarap kong maging mayaman para dumami ang pera ko”.
Lumaki sa mahirap na pamumuhay si Marko. Ang kanyang ama ay isang ‘Jeepney Driver’. Isang kahid, isang tuka ang nakaugaliang buhay nila. Minsan naman ay wala pang nakakain dahil nauubos ito sa pakikipagsabong ng manok ng kanyang ama sa kabilang kanto. Sa tuwing walang pasada ang kanyang ama sa oras ng hapon, pagtapos ng eskwela ay tumutulong si Marko sa kanilang talyer. Siya ang nagsisilbing tiga-abot ng mga kasangkapan sa pag-aayos ng jeep ng kanyang tatay. Nakikita niya kung gaano kagaling ang kanyang ama sa pagkukumpuni ng isang kotse. Napahanga siya sa husay ng kanyang ama. Hindi na napigilang sumingit nito sa pagkakataong iyon.

Nagsalita si Marko “Tay, gusto ko rin maging isang katulad niyo. Gusto ko din mag-ayos ng sasakyan”.

Sa ilalim ng jeep, lumabas sa pagkakahiga ang kanyang ama. Tila bagang hindi natuwa sa sinabi niya.

Tuluyan ng nagalit sa tanong ni Marko ang kanyang ama at nagsalita ito sa kanya “Anong sabi mo? Alam mo ba ang pinagsasasabi mo? Hindi mo ba alam ang buhay ng pagiging driver? Mahirap ang buhay dito, anak. Wag mo ng pangarapin. Mangarap ka ng mas mataas. Magsikap ka. Ang gusto ko sayo. Maging isa kang magaling na ‘Mechanical Engineer’. Halos parehas lang din yun anak. Hahawak ka din ng mga gamit ng isang mekaniko. Diyan ka yayaman. Magaling ka pa naman sa Math”.

Natuwa at nabuhayan ng loob si Marko. Nagkaroon siya ng isang inspirasyon.

Kapag walang ginagawa sa kanilang talyer, tinuturuan siya ng kanyang ama na magpatakbo ng isang sasakyan upang sa ganun ay may mautusan sila kapag may bibilhin lalo na sa malayong lugar. Kahit na ganun pa man, sinisikap ng kanyang ama na itatak sa isipan ng kanyang anak na mahalaga na makapagtapos ng kolehiyo at makahanap ng magandang kumpanya.

Nakapagtapos si Marko ng kolehiyo sa kursong ‘Mechanical Engineering’ sa siyudad ng Batangas. Pinilit niya ito kahit hindi siya kumportable dito sa kursong ito. Wala ng pasubali pa. Naghanap nalang kagad siya ng trabaho. Maganda ang kanyang napasukang trabaho ngunit hindi niya parin magawang maging masaya sa engineering. Alam niya sa sarili niya kapag ipinagpatuloy niya pa ito. Mas lalo lang siyang hindi magiging masaya.

Umalis siya sa kumpanyang iyon.

Inilihim niya sa kanyang ama na nag-resign siya sa kanyang pinapasukang trabaho. Ang puso niya talaga ay nasa kotse. Sa paggawa ng kotse. Hindi na siya nag ubos pa ng panahon kaya pinagsikapan niyang pag aralan ang bawat parte ng isang kotse ng walang tulong ng manual ng libro.

Malaki naman ang alam niya sa mundo ng pagme-mekaniko kaya sinubukan niyang gumawa ng kakaibang kotse. Nangalap siya sa internet ng iba’t ibang impormasyon. Nagtanong sa mga kakilala. Pinag aralang mabuti ang paggawa ng kotse.

Mataas ang pangarap ni Marko. Gusto niyang maging mayaman upang may mapatunayan siya sa kanyang pamilya. Nais niyang makatulong sa kanyang tatay.

Ilan taon niyang itinago ang kanyang napiling trabaho sa kanyang ama. Alam niya kasi kapag nalaman ng kanyang ama na huminto siya sa pagta-trabaho sa engineering company ay siguradong magagalit ito.

Gumawa si Marko ng pinakamatibay na sasakyan. Ito ang pinakamagandang bus sa lahat. Mayroong matibay na gulong na kahit na anumang matulis na bagay ay hindi ito masisira. Mayroon matibay at makapal na katawan ang bus na anumang bagay na sumalpok dito ay hindi ito masisira ng basta basta. Mura ang mga ginamit na materyales sa paggawa niya ng kanyang sariling bus ngunit matibay ang kalidad nito kumpara sa iba.

Nabalitaan niya sa isang diyaryo na mayroong expo na nagpapakitang gilas ng iba’t ibang klase ng sasakyan. Hindi na siya nag-atubuli pa at daling sumali upang ipakita ang napakaganda niyang imbensyon na bus.

Maraming humanga sa nagawa niyang sasakyan. Maraming napabilibsa kakaibang disenyo nito. Marami ring mayayamang tao ang nais gamitin ito sa pakikipagkalakaran at pagbabakasyon.

Naibalita sa buong mundo ang kakaibang desenyong gawa ni Marko. Nagulat at napabilib ang kanyang ama sa nabalitaang imbensyon ni Marko.

Tumawag naman siya sa kanyang ama sa telepono “tay, matutupad ko na po ang mga pangarap. “ Sinundan ng mga salitang. Tutuparin ko ang sinabi kong “Paglaki ko, pangarap kong maging mayaman para dumami ang pera ko”. Masayang masaya naman ang ama sa sinabi ni Marko. “Babalik po ko diyan Ama”. Hindi na nagtanong pang muli ang ama.

Ipinakalat ni Marko sa buong balita na tanging mayayaman lang ang makakasakay sa kanyang naimbentong sasakyan.

Kaya, tinanggap na rin niya ang alok ng mga mayayaman na libutin ang Pilipinas gamit ang bus na ito kapalit ng mahal na halaga ng pera.  

Ang loob ng bus ay binubuo ng mga kilala at mayayamang tao na pasahero.  Mga mayayamang negosyante ang sumakay dito. Kasama na rin ang mga kilalang politiko. Pati na rin ang mga sikat na artista.

Lahat ng ito ay may kanya kanyang regalo para kay Marko. Bilang paghanga sa kanya. At dadagdagan pa nila ito kung maipunta niya ang mga mayayaman sa ‘isla ng kayamanan’. Ang islang tanging tatlong tao palang ang nakakatapak sa lupaing iyon.

Sa kanilang mahabang biyahe. Napuntahan na rin nila ang pinakadelikadong lugar bago mapunta sa islang gusto nilang puntahan. Mayroong malaking halaga si Marko kapag nagtagumpay siyang madala ang lahat ng pasahero sa islang iyon.

Huminto sila sa isang gate at hinarang siya ng isang balbas saradong lalaki.

“Sir magandang umaga po, san po ang punta nila?” Tanong ng Lalaki.

“Doon po kame sa ‘isla ng kayamanan’. Gamit ko po pala ang bagong imbensyon kong bus sakay ko ang mga kilala at mayayamang tao sa Pilipinas.”Sagot naman niya sa nagtanong.

“Sir, kung hindi niyo po alam, delikado pong idaan ang sasakyan niyo sa lugar na ito. Kailangan niyo po ng mag-gagabay sayo. Libre lang naman po ito. At ito rin naman ay kung gusto niyo o hindi magpasama. Papayagan naman po namen kayo kung ayaw niyo po ng alalay o mag gagabay sa inyo. Baka maligaw lang po kayo.”

Hindi pumayag si Marko.

“Hindi na siguro Sir. Kabisado ko na rin naman tong daan na to. Saka sa bilis at tibay nitong kotse na to. Malamang hindi  uubra ang sira para dito.” Pagmamayabang na sagot muli ni Marko.

“Sige po sir, kayo po ang bahala, okay lang naman din po. Mag ingat po kayo. Mapeligro po ang daan.” Payo ng lalaki.

“Sige, paano! mauna na kame”. Sabi ni Marko.

Binigyan nalang niya ng pera ang lalaki. Nilagay nalang niya ito sa may bintana ng hindi nalalaman ng lalaki. At tumuloy na ito sa kanyang biyahe.

Sa kanyang pagmamaneho, madulas at masuok ang daan. Habang tumatagal, mas lalong lumalabo ang kanilang salamin sa harapan.

May isa namang mayamang nagtanong sa kanya. “Pare bakit di ka pa nag-pa-guide sa manong. Sayang naman”

“Hindi na kailangan po sir. Makakarating po tayo dun” Sagot ni Marko.
“Ikaw bahala. “ sagot ng negosyante.
Mga ilang minuto pa, may lumapit na bata sa harapan at tinanong ang katabi ng driver.
“Saan po ako pwedeng magdasal?” Tanong ng bata.
“Ay nako iho, walang dasalan dito. Ginawa itong sasakyan na ito para magsaya hindi para sumamba. Kung gusto mo, magdasal ka diyan sa upuan mo, pwede naman eh. Di uso rito ang ganyan”

Hindi na sumagot ang bata. Nagtanong muli nalang ang bata sa driver. “Wala po ba akong pwedeng mapagdasalan dito sa loob ng bus. Natatakot po kasi ako”

Sumagot si Marko “Walang lugar dito para sumamba. Ginawa ko tong sasakyan na to ng matibay na matibay. Ito ang inyong panahon para magsaya. Kaya maupo ka diyan at malapit na tayong makarating sa ating paroroonan. Wag kang mag alala. Ligtas ka rito.“

Tuloy ang tawanan ng lahat. Masayang nagtatawanan ang lahat. Nagku-kwentuhan at nagkakainan.

Hindi na muling nagtanong ang bata.

Naniwala ang bata sa sinabi ng driver. At di na muling binalak pang magdasal. Binanggit nalang niya sa driver na “Alam niyo po ba, paglaki ko, gusto ko pong maging ‘Mechanical Engineer’, gusto kong magkumpuni” Sambit ng bata. Napangiti nalang si Marko sa sinabi ng bata at itinuloy nalang ang pagmamaneho.

Nagtatawanan pa rin ang lahat ng tao sa loob ng bus.
Sa pagpapatuloy ng kanilang biyahe, tumambad sa kanila ang makapal na makapal na usok. Hindi na maaninag ng driver ang daan. May isang nangamba sa daan: “Huminto kaya muna tayo?” Sabi ng isang pasaherong artista.

“Nagsalita naman ang driver “Wag ka pong mag alala mam, usok lang po yan. Malalagpasan din natin yan. “ sabi ni marko.
Tuloy tuloy lang sa pagmamaneho si Marko. Tiwala siya sa tibay at kapal ng kanilang kotse anumang ang mangyari.
Sumunod na pangyayari naman. May narinig siyang isang pagputok. Alam ni Marko sa sarili niya na ang pumutok na iyon ay ang kanyang gulong sa likuran.Hindi niya ito pinansin. Itinuloy niya pa rin ang lahat.
Nagpatuloy sa pagmamaneho si Marko ng walang pinangangambahan. Mga ilang minuto pa. May natanaw siyang umiilaw na isang kastilio. Natuwa siya sa kanyang nakita. Isa itong pag asa para sa kanya.
 “May balita ako senyo, natatanaw ko na ang isla”. Pasigaw na sabi ni Marko.
Naghiyawan at natuwa ang lahat sa balitang iyon.
Binilisan ni Marko ang kayang pagmamaneho. Ngunit hindi pala ito isang isla kundi isang makapal na usok na kumikislap at ang nasa baba nito ay isang napakalalim na bangin. Ambilis ang lahat ng pangyayari. Walang nakakaalam na bangin pala ang dulo na iyon. Nahulog ang lahat sa bangin na iyon. Walang natirang buhay sa loob ng bus.

Ito ay isang aral na sa sobrang tiwala na natin sa mga gawa natin. Nakakalimutan nating humingi ng tulong sa Maykapal. Nakalimutan na nating dumulog sa kanyang kaligtasan. Nasilaw tayo ng pera at karangyaan. Kapag alam natin matibay ang sinasandalan natin. Hindi na tayo sumasandal sa Diyos.





Sunday, March 27, 2016

SAYO MUNDO 'PAG BATA KA


*Dapat kagalang galang ako sa pagharap sa mga guro at mga estudyante. Gagawin kong simple, mga sasabihin ko para nakakasabay ang lahat. Nakataya kaya ang apelyido ko dito.*

“Maraming salamat po sa pag-imbita ninyo sa akin sa paaralang ito (Bernabe Elementary School) upang ibahagi sa inyo ang aking mga napagdaan kailan lang. Kasama na rito ang napagdaan kong ebak kanina, naapakan ko siya ng BUONG BUO kanina sa labas bago ako pumasok rito. Maaari lamang na takpan ang inyong mga ilong kapag may sumingaw na. Pakiusap lang“

*Ubo-ubo muna. Linisin ang lalamunan. Di ako dapat humarap sa mikropono. Sasaluhin ko ng kamay para di ume-echo ang sounds ng ubo ko.*

“Sa lahat po ng mga naiihi diyan. Kung maaari lamang na umihi po muna kayo. Lahat kasi ng lalabas sa bibig ko ay ‘di makapigil hininga.’ Baka diyan po kayo sumirit sa inyong kinauupuan.  At sa lahat po ng mga nagugutom diyan. Bumili muna po kayo ng biskwit sa labas, donut, sandwich (pwede pong kumaen habang nagsasalita ako) dahil sobrang mahalaga po neto. Walang drama. Walang halong kaartehan ang speech ko. Kung kinakailangang sampalin at sabunutan ng may pwersang 100 horsepower ang katabi niyo  na natutulog habang nagsasalita ako. Please, gawin niyo para sa akin. Ayokong may ma-miss kayong salita ko.

Gusto ko munang pasalamatan si Mam De Guzman, si Mam Torres at ahm yung iba po, nakalimutan ko na po. Salamat po sa pag imbita niyo sa akin sa araw na ito. Sinearch ko po kayo sa Facebook ang mga names niyo. Ang dami niyo pong kaparehas na pangalan. Siguro ho nahihirapan kayong kumuha ng NBI Clearance, ganun po kasi diba sa NBI, nade-delay kapag may kapangalan. Ang daming ggraduate ngayon, yung isa ang alam hindi daw ggraduate. NAKOW. (mananakot kunwari) “

*Inom muna ako ng tubig sa baso. Para di ako ma-dehydrate.*

Bweno.

Gusto ko munang magtanong sa mga bata ngayon. Magtatawag ako ng tatlong bata at tatanungin sila sa kanilang upuan.

Ikaw bata? Yung parang sisiw yung buhok. Oo ikaw po kuya. Sa isang mabilisang sagot para sa isang mabilisang tanong ko. Ano ang isang pangarap mo sa buhay? (Kapag sumagot, kahit ano pa yan, magpalakpakan.)

Ikaw naman ne? Ikaw na kanina pa nakikipagkwentuhan sa katabi? Gusto na kitang kurutin eh. Tanungin kita. Ano ang iyong gustong maabot sa buhay? Sagutin mo ito ng mabilis. Dagdagan mo ng konting bilis kasi may dadaanan pa ako sa moa. HAHA  (Lalagyan natin syempre ng pressure(pagmamadali) para kunwari may dating ang mga tanong ko. Kapag sumagot, kahit ano pa yan, magpalakpakan na may kasamang hiyawan. Wuuuw)

At ang pangatlo, (kunyari magtatanong ako sa isang bata, bigla kong babaguhin ang desisyon ko, tatanungin ko nalang ang naging teacher ko noon)

Mam, baguhin nalang po natin, ikaw nalang po ang pangatlo na tatanungin ko. Ano po ang mahalagang pangarap niyo sa inyong mga anak? (Kapag sumagot si mam, kahit ano pa yan, bigyan natin ng masigabong palakpakan. Respeto lang)

(Kapag wala namang anak si Mam, tatanungin ko nalang kung balak niya pa bang mag-asawa. May irereto ako sa kanya)

Lahat ng inyong mga sagot. Lahat ng sagot ng ating guro ay parehas sa pananaw nating lahat at pati na ng ating mga magulang noong tayo’y bata pa lamang.

Walang tama. Walang maling sagot.

Ngayon.

Simulan natin ang kwento, syempre sa istorya ko sa loob ng silid aralan na to.

Naalala ko pa noon itong school na to, dito nagkagusto sa akin yung crush ko. Ayiiiie. Noon, tinidor lang ang baon ko. Makikitusok nalang ako sa baon niya. Busog na ako nun noon sa klase. Tapos naalala ko pa, ninakawan ko ng Diyos ang kaklase ko. Sinipsip ko lang naman ang Juice niya eh. Sinoli ko din ang lalagyanan. Yung Zest-O.

 Maliit lang talaga kung tatawagin tong eskwelahan na to. Marami pa pong kulang. Kulang sa bilang ng teacher ito noon. Kulang sa computer. Kulang sa facilities. Naabutan ko pa nga noon yung mga estudyanteng Sped. One time, may nakasabay ako sa Cr na sped student. Kasama niya yung nagbabantay sa kanya, nasa labas yung nagbabantay sa kanya. Lalaki po tong binabanggit ko ah. Edi sabay kameng nagwiwiwi sa CR, magkagilid kami. Bigla ba naman akong inambahan. Gusto akong suntukin. Edi di ako nagpatalo. Lumaban din ako. Nagka-ambahan kame. In short, pumasok ang isa pang baliw. Ako yun. Naghamunan kame sa CR, pumatol ako eh. Tapos biglang humingi ng saklolo yung nagbabantay sa Sped kasi nakita nila kameng magsusuntukan. Sumigaw yung bantay “Nakikipag away po yung sped student ko.” Mantakin niyo ba naman ako yung inilabas ng gwardiya sa CR. Powtek. Ang sama. Ang sakit sobraaaa.

Masasabi kong ang mundo ng elementarya ay ang mundo kung saan ang first page ng bawat libro natin ay may mabigat na kahulugan sa last page ng buhay natin. Masasabi ko rin na ang buhay sa elementarya ang dapat tutukan ng maigi at itala ang mahahalagang bagay na nangyari sa atin. Isulat at itago kung kinakailangan.

Kung hindi niyo naitatanong, noong bata ako, sa isang klase sa isang subject,  kapag tinanong mo ako kung ano ang pangarap ko sa buhay. Unang pumasok sa isipan ko noon ang salitang “Gusto kong maging Piloto”. Sabagay, tatay ko kasi ay nagtatrabaho sa paliparan ng eroplano ng mga panahong iyon. Wala pa akong ideya o background kung ano ang trabaho ng isang ‘Piloto’. Ang alam ko lang, isa itong pangarap sa buhay na masarap makamit. Nakakainggit siya kapag binanggit.  Habang tumatagal, iba ibang pangyayari ang mga naganap sa akin na nasabi ko sa sarili ko na mahirap palang maabot ang pangarap na pagiging Piloto. Hindi biro. Hindi madali. Ngayon sinasabi ko sa sarili ko. Sana mahawakan ko muli yung ‘apoy’ na nagsabi sa akin na maabot ko ito. Ito ang apoy na nagsabi sa aking walang limitasyon ang buhay. Na kaya kong maabot ito. Kapag lalong tumatagal, at hindi nalabanan ang mga negatibong pumasok sa isipan ko. Nawawala lahat ng saysay ang mga gusto nating maabot. Magkakamali tayo ng daan. Mag iiba tayo ng plano sa buhay. Tatangayin tayo ng ibat’ ibang pangangailangan. Tama ba? Minsan nang dahil sa pangangailangan sa pamilya o ng kasintahan ay napupwersa tayong magbago ng mga goals. Kaya ang pangarap kong maging piloto ang naglaho ng parang bula.

Bata palang ako, gusto ko ng magkwento ng magkwento. Hilig ko maging jollibee. Nais ko maging bida sa kwentuhan. At alam ko naman walang tayong pinangarap na maging kotrabida sa kahit na anumang aspeto ng buhay. Ayokong ipakita sa kanila ang paglalaro. Ang gusto ko lang sabihin sa iba na nakakatuwa ang paglalaro, may iba akong style para magsaya. Sinasabi ko sa mga kaibigan. Tara maglaro pa tayo ng maglaro. Gayahin niyo ako.

*Biglang lalabas sa powerpoint ang picture ko kung saan masaya akong nakangiti nung bata pa ako*

Ibang iba yung buhay ko nung bata ako. Tapat na tapat ako sa nararamdaman ko noon, wala akong tinatago. Paano ko nasabi? Kapag ayoko ang isang tao. Sinasabi ko talaga na ang panget niya. Kapag sinabi kong ayokong pag aralan ang bagay na to. Binibitawan ko talaga. Wala naman kapalit eh. Didirecho nalang ako sa bagay na gusto ko. Magsusulat ako ng nararamdaman ko. Isusulat ko yung pang asar na naisip ko sa kakilala ko. Gagawa ako ng bagay na makakapagpasaya sa akin. Ngayon iba na. Limitado na. Hinahawakan ko ang bagay na natatakot akong mawala sa akin na iniisip ko minsan baka saan ako pulutin kapag binitawan ko ito. Hindi ako marunong mag let-go.

Noon ang tingin ko lang sa mundo ay may Diyos na kahit anong gawin ko, may aalalay sa akin. Ano mang pagkakamali ko. May gagabay sa akin. Ngayon iba na, lahat ng bagay may kapalit na. Minsan may problema na apektado ang pera natin sa bulsa sa bawat kilos at minsan sa pagkakamaling hindi inaasahan. May problemang akala natin katapusan na ng mundo. May problemang akala natin wala ng solusyon. Kapag tumatagal, mare-realize natin na nandyan lang ang ating Panginoon pero tayo pa rin ang maglalaro sa loob ng court. Siya lang ang coach.

Nung bata ako hilig kong magtanong ng magtanong. Di na maiwasang magtanong tungkol sa sex, tungkol sa pangarap at iba pa. Noon bata ako, anumang makita kong kakaiba. Hihinto muna ako sa ginagawa ko at titignan ko yun ng maigi. Sisiyasatin. Aalamin. Hahawakan. Mahalaga na di natin binibitawan ang mga bagay na naging curious tayo. Maganda maging curious palagi.

Bigyan mo ko noon ng mga popsicle stick, glue, manila paper at pencil, ang dami ko ng magagawa dun. Magdidikit pa ako sa mga dingding. Gagawa pa ako ng kunyaring mikropono. Gagawa pa ako ng hagdan nun gawa sa papel. Ginagawa ko pa minsang pera ang mga papel at susulatan ng mga numero. Kasi noon gusto ko, paglaki ko, gusto kong maging mayamang tao. Mabili ko lahat ng gusto ko. Ngayon, hindi lang pala ganun kadali ang maging mayaman. Kailangan gamitin nating lahat ng ating senses: thinking, smell, taste, hear, seeing para umangat. Kung ako tatanungin, marami pang tao ang hindi pa nakakaunawa ng salitang tagumpay, ang iba ang tingin sa tagumpay ay pagiging famous, lalo na sa facebook. Pero habang tumatagal, magiging matagumpay ka lang kapag nakatulong ka na sa iba. Yan ang ginintuang aral ko.

Ang sarap maglaro noon. Kumaen sa oras na gusto natin. At magsaya ng magsaya ng magsaya. Walang kasawa sawa.

Maraming nagsasabi sa atin. Ang buhay ay hindi isang laro. Pero para sa akin. Ito ay isang laro. Walang dapat seryosohin. Walang dapat ipangamba ng sobra sobra. I-enjoy lang ang biyahe.

Marami akong naging pagkakamali sa buhay lalo na sa mga naging plano ko. Pero hindi ako umatras. Sulong pa rin ako ng sulong. Hindi ako huminto.

Kaya bilang isang estudyante. Ang maipapayo ko sa inyo.

Itago niyo ang inyong pangarap. Isalaysay mo nalang sa iba kapag naabot mo na. Kung alam mo sa sarili mo na gusto mong maabot ang mga mithiin mo sa buhay. Wag mong ikwento sa iba. Minsan ang mismong mahal nating sa buhay ang sumisira nito. Mahalagang pakinggan natin ang bumubulong sa ating sariling isipan. Hindi naman kailangan ikwento sa iba ang dapat tahakin. Hindi rin naman sila maglalakad para sa atin. Hindi naman din makakatulong kung i-broadcast pa. Wag niyo ng ikalat. Ito ang klase ng tsismis na dapat ikinikimkim natin nalang sa sarili natin. Ang mahalaga, alamin natin na  habang tumatagal, nauunawaan natin ng mabuti ang mga sangkap upang makuha natin ang tamang lasa ng pangarap.

*Supresa kong ilalabas ang nagawa kong masterpiece, ipapakita ko ang best selling book ko sa lahat*

Itong libro na to, dugo’t pawis ang inalay ko para lang mai-publish lang ito. Dahil gusto ko, kapag wala na akong pustiso, babasahin ko nalang ang mga nagawa kong libro. Laway naman diba ang magpapadikit upang mapunta sa susunod na pahina ng buhay.

Mahalaga na kung ano ka ngayon. Natututo ka pa rin balikan ang nakaraan. Alam mo rin ang bawat lessons na napagdaanan mo.

Minsan kung sino pa yung nagsasabi na tama sila, yun pa yung mga nasa maling sitwasyon. Kapag nasa kritikal na ang buhay niyo. Yun ang tamang lugar na malapit ka na sa pangarap mo. Maniwala po kayo sa akin.

Lahat tayo gustong lumipad. Lahat tayo gustong maging masaya. Kaso dapat dahan dahan lang. Alalay lang wag masyado mag madali sa pag angat. Lumakad muna. Tumakbo ng kaunti. Tumalon kung pwede na at lumipad. Basta may plano tayo sa buhay. Achieved lahat ng ito.

Ang pinakamasayang pangyayari ng buhay natin ay yung bawat dapa. Ang ‘dapa’ ang nagbibigay kulay sa ating buhay. Sa bawat pagkakamali natin. Tayo kagad. Nadapa ulit. Tayo kagad. Nagkamali na naman. Matuto kagad. Yan ang buhay kung saan ipinapaliwag na bilog ang mundo.

Palaisipan ang mga pangyayari sa bawat yugto. Lalo na sa umpisa. Palaging di mo naiintindihan ang lahat. Naranasan ko na yan. Mararanasan niyo din yan. Minsan ililigaw ka ng landas ng pinaniniwalan dito sa mundo, mga relihiyon. Ang payo ko. Paniwalaan mo palagi ang nasa puso mo. Tama man yan o mali. Ikaw ang may control. Yan ang ‘tunay na relihiyon.’

Saya. Kabiguan. Kalungkutan. Maling Desisyon. Ang mali pwedeng maging tama. Ang tama  pwedeng maging mali. Ganyan ang putahe ng buhay.

Lumakad ka sa mundo na ito na bukas ang iyong puso. Sayo mundo kapag bata ka.