Friday, November 27, 2015

BALUTIN MO AKO NG LIWANAG NG IYONG PAGMAMAHAL


Itatago kita sa puso ko. Alam mo ba yun!? Natuto na akong i-enjoy ang mga pagkakataong galit na galit ka sa akin. haha Natatawa na ako kapag galit ka. As in, nagchi-cheer pa nga ako kapag beastmode ka saken eh. Nagkamali ako sa  mga oras na pino-force ko ang mga bagay na maging normal para lang mabuhay ng maayos. Nasasaktan kita sa tuwing umiinit ang ulo ko kagad imbes na magpasalamat na magkasama tayo. At nagkasama tayo. Kahit na minsan di mo sinasagot ang call ko. Ano ba calling ko sayo? Nakakalimutan ko na atang magpasalamat sa pag-ibig na itinuro mo sa akin. Ang walang hanggang Pag ibig na shini-share mo parati sa iba o sa lahat. Inaalala ko ang mga oras na kailangan na kailangan kita. Sayo ako sumasandal. Sayo ako humihingi ng tulong. Binigyan mo ng Purpose ang buhay ko. Pati pala ikaw pwede ng nakawin. Nagiging seloso na ako sayo ngayon. Inangkin kasi nila ang katawan mo. Alam ko namang maraming nagkakagusto sayo. Maraming gustong umangkin sayo. Gusto ka niya o nila makita araw araw. Inaamin ko na minsan nalulungkot ako kapag ako lang yung nanunuyo sayo. Kala ko nga, habang tumatagal sa mga sinasabi mo, lahat ng iyon ay di totoo. Kala ko di totoo mga payo mo. Nagsusulat ka pa para sa akin. Love letter ba yun o rules? Baka nga araw araw ka nagsusulat sa akin. Feeling ko lang ha. Tatangapin ko na sabihan mo akong demonyo. Demonyo ako sa paningin mo. Tanggap ko naman eh. Ako ang gwapong demonyo na kasama sa mga minahal mo. Pero mahal kita. Hindi maikakailang galit ka sa akin dahil sa klase ng kaligayahan na gusto ko. Pero deep inside pag ibig mo pa rin ang hinahanap ko. Natatakot lang akong pumunta sa bahay niyo. Sa malinis na bahay niyo na pagmamay ari ng mga kaibigan mo. Baka husgahan nila ako. Madumihan ko pa ang tinitirhan niyo. Malagyan ko ng putik ang sahig galing sa sapatos kong puro putik at alikabok. Taliwas kasi sa pananaw ng mga kaibigan mo  ang pagmamahal ko sayo. Taliwas din ang pananaw ko sa pag ibig na ipinararamdam mo sa akin. Pero salamat dahil nagmalasakit ka sa malala kong sakit.

Itatago kita sa puso ko. Walang makakaalam na tayo ulit. Walang makakaalam na nagbalik ako sa kakulitan mo. Walang makakaalam na lumuhod muli ako sayo at nagmakaawa. Pag-ibig mo ang gusto kong maramdaman hindi karangyaan. Ngiti mo ang nagpapangiti sa akin. Ikaw ay ako. Masama mang kwestiyunin ang kahinaan mo na di nakikita ng iba. Ngunit ikaw naman ang kalakasan ko. Ikaw rin ang patnubay ko. Ibabalik ko yung dating inlove na inlove ako sayo. Mga sandaling sinusulit ko dahil kapiling kita. Naglakad ako noon sa karera ko at ikaw ang gumabay. Inalalayan mo ako na kaya kong tumayo sa pagkakadapa ko. Langit ka lupa ako. Minsan nga ikaw pa sumasagot ng lahat ng takot. Sayo ko sinasabi lahat ng takot ko. Nababawasan ang takot ko kapag ino-open ko sayo.

Itatago kita sa puso ko. Ngayon alam ko na di mo ko sinasaktan. Tumatahimik ka lang sa lahat ng kasinungalingan ko. Saan man ako magpunta. Di mo man tignan sa mga mata ko. Pero alam kong malakas ang kutob  mo palagi sa nararamdaman at kinikilos ko. Pag-ibig mo ang bumabalot sa akin. Nag-alay ka ng dugo at buhay para manatili ako sa mundo. Tinuruan mo ako ng karunungan upang makahinga sa bawat eskenita ng lugar namen. Kahit na di matapos tapos ang struggle ko. Nakaagapay ka pa rin. Nakatingin ka pa rin sa akin. Minahal kita dahil alam mo lahat. Nagbigay ka sa akin ng daily hope. Ang pag asang makakamit ko lahat ng to. Ang mga pangarap ko. Ikaw ang nagbigay ng kinabukasan ko para bukas at sa mga susunod pang mga araw. Medyo ulit ulit ang salitang ginamit ko para sa hinaharap. Pero ikaw yun.

Itatago kita sa puso ko. Gusto kong magsorry. Humingi ng tawad sa mga pagkukulang ko. At babaguhin ko lang ang pagmamahal ko sayo. Kung di mo ako matatanggap ang ugali ko, okay lang. Mananatili pa rin ang pangarap ko.

Di na kita papakawalan pa.


2 comments:

  1. Aww.. We really should cherish the moment with the ones we love while they are still beside us.

    ReplyDelete
  2. Naks sir. and also to the Creator..to Him yan eh

    ReplyDelete