Thursday, March 31, 2016

ANG DIYOS KONG BLANKONG PAPEL



Sa isang lugar sa Antipolo ay mayroong museo na kung saan sa loob nito ay may mga naka-display na iba’t ibang disenyo ng mga arts. Mayroon mga nakasabit sa dingding at pader. Mayroong hugis tao na gawa sa kahoy na nakatawa ang mukha. Mga sinaunang sasakyan. Mga sinaunang baso. Mga pinaglumaang kagamitan sa loob ng bahay. Iba-ibang klase at uri ng art na historical sa pilipinas, maypagka-scientific kung iisipin, maypagka-artistic o kaya naman ay cultural basta gawa lahat ng mga Pinoy. Nandun sila nakatambay.

Si Jin ay isang lider ng isang samahang relihiyoso sa ating bansa. Napansin niyang may isang lalaki na ang tagal tumitig sa isang painting. Binata iyon kung titignan. Sa painting na iyon ay nakapinta ang isang ‘umaapoy na bundok’. Maganda kung titignan tong painting na to, malalim ang kahulugan. Matagal na nakatingala ang lalaki sa painting na ito. Sa bawat pag-oobrserba niya sa paintings ay tinitignan niya rin ng maigi ang kanyang hawak na papel. Nagtaka si Jin sa ginagawa ng lalaking ito. Minarapat nalang niyang kausapin at tanungin upang sa gayun malaman ang ginagawa nito.

Kinausap ni Jin ang lalaki sa malumanay na paraan.
Jin: Sir, anong pangalan mo?
Ken: ahm Ako si Ken. (At ito’y nagpatuloy ulit  sa pagsilay silay sa isang disenyong kanyang minamasdan)
Jin: Pwede ko bang matanong kung ano ang interpretasyon mo sa larawang iyan, pati na rin sa papel na hawak mo? (Paturo sa papel na tinitignan ni Ken.)
JIn: Pasensya na sa tanong ko diyan ah? (Nagtanong hinggil sa papel.)
Sagot ni Ken.
Ken: Maaari ko kayang sambahin itong papel na ito? Maaari rin kayang maging propeta to?
Tinignan niya naman ang papel na ito sa taas, sa baba at sa iba pang anggulo na kung saan natatapatan ito ng ilaw. Sinisilasat niya ng husto ang hawak niyang papel.
Nagtaka si Jin sa sinabi nito. Isang kahibangan kung iisipin.
Jin: Ha? Papel sasambahin mo? Okay ka lang sir? Diyos mo yan?

Lumakad nalang palayo si Ken. Hindi na pinansin ang mga pinagtatanong ni Jin. Tinignan niya naman ang ibang larawang nakadikit sa dingding. Sa pagkikilatis nito sa bawat disenyo. Tinitignan din siya ni Jin sa bawat galaw niya. Nahihiwagan si Jin sa ikinikilos nito. Misteryoso kung iisipin dahil walang kahit na anong paliwanag ang sinasabi nito tungkol sa papel. Isang relihiyoso si Jin kaya nagkaroon siya ng interes na kausapin ito.  
Nilapitan niya parin si Ken. Nangulit ng nangulit siya sa taong ito. Mayroon siyang gustong malaman tungkol sa sinasabi nitong papel. Lumapit muli si Jin sa lalaki.
Jin: Ano ba ang sinasabi mo? Ano bang mayroon diyan sa papel na yan? (Hindi nagpaistorbo si Ken sa kanyang hinahanap.)
Ken: Wala to, wag mo kong pansinin. May hinahanap lang ako.

Kaya wala ng nagawa si Jin kundi tigilan nalang ang taong iyon. Nag-iba nalang siya ng ruta papalayo kay Ken sa pagtitingin ng ibat ibang disenyo ng mga paintings. Sa kabilang lugar, nagkasalubong muli si Jin at Ken.

Nagkatitigan.
Jin. Ikaw na naman?
(Hindi nalang nagsayang ng panahon si Jin)
 Jin: Hmmmm Maaari ba kitang makausap? Okay lang ba?
Ken: Bakit ba ang kulit mo? Pwede ba tantanan mo ko?
Jin: Masama bang makipagkaibigan sayo at makilala ka?
Ken: Hindi naman, pero nakukulitan ako sa ginagawa mo sa akin. Tanong ka ng tanong.
Jin: Sorry na patawarin mo na ako. Ano ba kasi yang hawak mong papel? Nahihiwagaan ako diyan sa hawak mo at sa sinabi mo.
Ken: Gusto mong malaman? Hindi ka naman maniniwala kung ipapaliwanag ko eh. Isa ka din na katulad ng iba. Akala nila kabaliwan ang mga sinasabi ko.
Jin: Makikinig nga ako kahit ano pa yan.
Ken: Sige. Payag na ako. Ganito kasi yan, nakadampot na naman ako ng isang blankong papel sa lugar din mismo na to. Siguro nahulog to galing sa Itaas.
Jin: “Saan? Sa dingding?” (Tumingin si Jin sa itaas, wala naman siyang nakitang papel na pwedeng malaglag. ) “Wala namang papel ah.” Sabi ni Jin.
Ken: Malinis at walang bahid ng dumi ang papel na to. Para sa akin, ito ang pinaka simbolo ng aking bagong umaga. Kalakip nito ang bagong pag-asa. Nangangahulugan na ang walang kasulat sulat na papel na to ang siyang pinaka magandang pahinang makikita ko ngayon. Walang kasaysayan kung hindi inilimbag sa blankong papel na kagaya nito ang lahat. Kasiyahan ang idinudulot ng panibagong papel. Nagkakaroon ng makasaysayang simula tungkol sa isang manunulat o istoryang binuo. Masayang makita ang progresong pagbabago sa ating lipunan. Lalo na sa bawat buhay ng tao. Wala ka ng ibang hahapin pang ibang mundo.

Jin: Mundo na yung mga pinagsasabi mo ah. Ang layo mo naman eh. Nasan dun yung propeta o pagsamba?

Ken; Silipin mo ng maigi ang malinis na papel. Ito ay naglalaman ng panibagong mundo. Ang makulay na mundo. Sa kapirasong papel na ito, maaari kang magplano, magsulat, gumuhit, magkulay at kung ano ano pa. Ibig sabihin lang nito, sa apat na gilid ng papel, pwedeng magbura at magkamali tayong lahat. Tanggap ang mga errors. Tanggap ang tinakpang letra na mali ang naisulat.

Jin: Hanep. Lalim. Bakit di ko magets? Hahaha Oo, sabihin na nating blankong papel yan. Pero teka muna. Anong kinalaman nito sa pagsamba mo? Yun kasi ang hinabol ko sayo eh. Pwede ba sagutin mo ako ng matino. Okay lang ba?

Ken: Nasa sayo naman yan kung pakikinggan mo pa ang interpretasyon ko tungkol sa papel na to eh. Kung ayaw mo, edi wag.
Jin: Sige pagbibigyan kita. Ano ba talaga yang papel na yan? Mahahalin ba yan? Mabango ba yan? Paamoy nga.
Inamoy ni Jin ang papel.
Jin: Wala namang kakaiba eh. Niloloko mo lang ako eh.
Ken: Wala ngang amoy na taglay pero may sinasabi naman ito.
Jin: Ano? Nagsasalita ang papel? Haay Kabwisit ka. Ayoko na nga. Kung hindi mo naitatanong, kami? Sa isang araw, tatlong beses kami sumasamba sa aming Panginoon, makapangyarihan ang aming Diyos. Hindi siya nagkulang?
Ken: Nakita mo na ba ang Diyos mo?
Jin: Hindi pa. Pero kung titignan mo ang paligid, kung paano nangyayari ang lahat, masasabi kong buhay na buhay ang sinasamba kong Diyos.
Ken: Yan ang opinyon mo. Nirerespeto ko yan. Maaaring totoo yang sinasabi mo.
Pagpapatuloy ni Ken.
Ken: Unawain mong maigi ah.  Alam mo kung bakit di mo magets ang mga sinasabi ko? Kasi magkakaiba tayo. Tama ba ko dun?
Jin: Tama!
Ken: Ikaw? ano tingin mo sa papel na hawak ko?
Jin: Wala naman, simpleng papel lang. Ano ba yan? Kailangan pa bang pag isipan natin yan ng malalim. Nahihibang ka na ba?

Ken: Sayo yun diba! pero para sa akin. Sa papel na ito, may naghihintay saten lahat. Hindi ko alam kung ano mismo iyon, pero ang alam ko lang, may ipinahihiwatig ang lahat ng ito. Iba’t ibang klase ng istorya, minsan mas malungkot pa sa telenobela.
Jin: Tsk Tsk Tsk. Muntik na akong maiyak dun ah.

Pagpapatuloy ni Ken.
Ken: Minsan ang isinulat sa isang papel na nilamanan ng mga masasayang bagay ngunit walang nakaalam nito ay tila isang sanggol na hindi nabuhay sa sinapupunan. Namatay kagad ito. Siguro dahil sa kapabayaan. Marahil dahil nakatadhana. Ano man yun. Nakatala pa rin yun sa mismong istorya ng lahat. Ang kabuuang kwento ng tao.
Jin: Bibliya ba yan?
Ken: Hindi ako siguro. Maaaring pwedeng iyon ang sagot. Maaaring hinde. Hindi lang istorya o maaring kwento ng isang tao ang mabuo sa blankong papel. Wala tayong pagsisisihan kung hindi natin winalang bahala ang ibinulong ng hangin at ginamit ang mga tinta para maitago ang bagay na ito.

Jin: Matanong ko lang ah. Saan mo ba napupulot yang mga sinasabi mo? Ano ba batayan mo? Walang konek eh.
Ken: Wala! Pero alam kong tama ako. Ikaw alam mong tama ka sa sinasabi mo?
Jin: Oo. Syempre. Yun ang nakasulat sa bibliya eh. Sinusunod namen.
Ken: Paano naisulat? Nakita mo ba ang simula niyon. Paano ito nagsimula sa blankong papel?
Jin: Hindi.
Ken: Kung sa gayun. Hindi ka pa sigurado. Pwede ka pang magtanong ng magtanong.

Pagpapatuloy ni Ken.
Ken: Ito pa halimbawa ko. Kung naisulat lang din naman natin kagad ang nasa isipan natin palagi, di natin makakalimutan ang kumislap na bumbilya sa ulo kung ilalagay ito sa blankong papel.
Jin: Hoy! Hoy! Hoy. Ang dami mong paandar. May sanggol. May tinta. May bumbilya. Ano ba talaga? Di mo pa sinasagot ang tanong ko. Anong pagsamba mayroon diyan? Nagmumukha na akong tanga ah.
Ken: Para sa akin, ito ay may kaluluwa, hindi nakikita.
Jin: Grrrrh. Sige. Ano yan? May kasarian ba yan?
Ken: Pwede. Maaaring may persona. Siya ang aking gabay. Ito ang naglalarawan na siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Itong papel na to? Sa sariling depinisyon ko, ito’y may sukdulang antas.
Jin: Nakakatawa rin ang mga pinagsasabi mo. Sayo lang pala galing lahat ng yan eh.
Sinubukan nalang sabayan ni Jin ang lahat ng mga pinagsasabi ni Ken.  Nabadtrip na siya ng husto.
Jin: Ibig mo bang sabihin, ang blankong papel ang naglalang sa tao? (Pabirong tanong)
Ken: Pwede.
Naisip ni Jin na baka baliw tong kausap niya. Kaya nakipagbaliw baliwan nalang siya.
Jin: Maibigin, mapagsanggalang, at mapagmalasakit ba siya?
Ken: Pwede.
Jin: Weeeee. Haahahaha Parang hindi naman. Papel? Mapagmalasakit? Wow.
Ken: Baliktarain mo man ito na parang aso sa salitang ingles. Siya pa rin iyon.
Jin: Yown. Aso. Lupit ah. Aw! Aw! AW!
Ken: Ang tingin ng iba, ang blankong papel ay pangkaraniwan lamang. Hindi. Mayroon itong laman. Anong klaseng laman? Ang laman na nagsasabi kung ano ang pagkatao natin. Sa malinis na papel na ayaw mo pang sulatan, makikita mo ang sarili mo na parang humarap ka sa salamin. Makikita mo sa papel na wala kang ginagawa kasi hindi ka nagsusulat. Kung nagsusulat ka naman, malalaman mo na ang papel o salamin na sinusulatan mo ay ikaw ang nasa likod ng lahat ng ito.
Jin: Tungkol sa papel lang ata gusto mong sabihin. Dinamay mo lang ata ang Diyos eh.
Nawalan na ng gana si Jin kaya pinaglaruan nalang niya ito
Jin: Eeh ayokong magsulat, ang gusto ko magtype sa computer eh.  HAHAHA eh pano yan?
Ken: Walang tumalino kung hindi dahil sa blankong papel. Walang computer ng hindi dahil sa blankong papel na to. Walang nagawang libro kung walang blankong papel na sinimulan. Walang bahay o gusali na naitayo kung hindi sinulatan sa blankong papel.
Jin: Edi sige. Tuloy mo lang. Layo na nga ng narating natin sa kwento eh. Kala ko nasa mars na to eh. HAHA. May punto kaso tungkol lang naman lahat ng ito sa papel. Echusero ka lang eh.
Ken: Kung gusto mo ng katahimikan. Sabihin mo sa papel. Isulat mo ito. May kaakibat itong katahimikan. 
Jin: Masaya na ako sa buhay ko. Ayoko na. Gusto ko naman ng magulo. hahaha
Ken: Lagyan mo ng laman at istorya ito(ang papel), iingay siya ngunit panandalian lamang. Dagdag mo ng laman, saka lang umiingay. Try mong unawain kasi ang mga pinagsasabi ko. Nakatuon ka lang lahat sa pagsamba eh.
Jin: Wow. Heavy. Bigat.
Humiga nalang sa lapag si Jin, pagpapakita na suko na siya sa sinasabi ni Ken. Hindi pa rin nagpaawat si Ken sa mga matatalinhagang sinasabi niya.

Ken: Ang isang blankong papel ay mapang akit. Wala na akong pinangambahan pa. Naisulat ko ang aking halo-halong emosyon. Nabigyan pa ng solusyon ang bawat tanong.  Mga paksa na humubog sa aking pagkatao. Walang perpektong sulat kaya tinutuloy ko lang to. Mangawit man, ikakaskas ko pa rin ang aking kamay. Kung sinasabi nilang nagsimula ang lahat sa tuldok, at matatapos din sa tuldok.
Jin: Sabi ko na eh. Nagsusulat ka eh. Mahilig ka gumawa ng kwento na ang hirap paniwalaan ng tao. hahaha
Ken: Hindi mahirap, ayaw mo lang buksan ang isipan mo. Kung nagsimula sa lahat ang blankong papel. Matatapos din sa blankong papel . Paano kung ang hinahanap na tanong nating sa buhay ay yung palang blankong papel. Sinulatan natin. Tapos tayo palang lahat ang matatawag na Creator.
Jin: Dyan ako di maniniwala sayo. Ewan ko sayo. Haaaaay. Sige na nga, uuwi na ko. Pero sagutin mo to. para matapos na kasi ang sakit na ng ulo ko sa mga sinabi mo. Ano ang ibig sabihin lahat ng ito? Buod kumbaga.
Ken: Hindi ka talaga nakiramdam. Pinakinggan mo lang kasi ang sinabi ko. Ibig sabihin lang nito. Kanya kanya tayo ng paniniwala.Wag mong pakialamanan ang pananampalataya ng isang tao. Ang ating Diyos makapangyarihan. Maaaring ikumpara siya sa isang bagay o anuman ngunit ang kapangyarihan niya ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Pero responsibilidad mo pa ring tuklasin siya. Ayun. Tapos ang usapan.
Natulala si Jin: OMG. Yun lang pala ang  papel na gusto niyang sabihin sa  mundo. Nagsayang pa ako ng effort at oras.

No comments:

Post a Comment