Sunday, March 27, 2016

SAYO MUNDO 'PAG BATA KA


*Dapat kagalang galang ako sa pagharap sa mga guro at mga estudyante. Gagawin kong simple, mga sasabihin ko para nakakasabay ang lahat. Nakataya kaya ang apelyido ko dito.*

“Maraming salamat po sa pag-imbita ninyo sa akin sa paaralang ito (Bernabe Elementary School) upang ibahagi sa inyo ang aking mga napagdaan kailan lang. Kasama na rito ang napagdaan kong ebak kanina, naapakan ko siya ng BUONG BUO kanina sa labas bago ako pumasok rito. Maaari lamang na takpan ang inyong mga ilong kapag may sumingaw na. Pakiusap lang“

*Ubo-ubo muna. Linisin ang lalamunan. Di ako dapat humarap sa mikropono. Sasaluhin ko ng kamay para di ume-echo ang sounds ng ubo ko.*

“Sa lahat po ng mga naiihi diyan. Kung maaari lamang na umihi po muna kayo. Lahat kasi ng lalabas sa bibig ko ay ‘di makapigil hininga.’ Baka diyan po kayo sumirit sa inyong kinauupuan.  At sa lahat po ng mga nagugutom diyan. Bumili muna po kayo ng biskwit sa labas, donut, sandwich (pwede pong kumaen habang nagsasalita ako) dahil sobrang mahalaga po neto. Walang drama. Walang halong kaartehan ang speech ko. Kung kinakailangang sampalin at sabunutan ng may pwersang 100 horsepower ang katabi niyo  na natutulog habang nagsasalita ako. Please, gawin niyo para sa akin. Ayokong may ma-miss kayong salita ko.

Gusto ko munang pasalamatan si Mam De Guzman, si Mam Torres at ahm yung iba po, nakalimutan ko na po. Salamat po sa pag imbita niyo sa akin sa araw na ito. Sinearch ko po kayo sa Facebook ang mga names niyo. Ang dami niyo pong kaparehas na pangalan. Siguro ho nahihirapan kayong kumuha ng NBI Clearance, ganun po kasi diba sa NBI, nade-delay kapag may kapangalan. Ang daming ggraduate ngayon, yung isa ang alam hindi daw ggraduate. NAKOW. (mananakot kunwari) “

*Inom muna ako ng tubig sa baso. Para di ako ma-dehydrate.*

Bweno.

Gusto ko munang magtanong sa mga bata ngayon. Magtatawag ako ng tatlong bata at tatanungin sila sa kanilang upuan.

Ikaw bata? Yung parang sisiw yung buhok. Oo ikaw po kuya. Sa isang mabilisang sagot para sa isang mabilisang tanong ko. Ano ang isang pangarap mo sa buhay? (Kapag sumagot, kahit ano pa yan, magpalakpakan.)

Ikaw naman ne? Ikaw na kanina pa nakikipagkwentuhan sa katabi? Gusto na kitang kurutin eh. Tanungin kita. Ano ang iyong gustong maabot sa buhay? Sagutin mo ito ng mabilis. Dagdagan mo ng konting bilis kasi may dadaanan pa ako sa moa. HAHA  (Lalagyan natin syempre ng pressure(pagmamadali) para kunwari may dating ang mga tanong ko. Kapag sumagot, kahit ano pa yan, magpalakpakan na may kasamang hiyawan. Wuuuw)

At ang pangatlo, (kunyari magtatanong ako sa isang bata, bigla kong babaguhin ang desisyon ko, tatanungin ko nalang ang naging teacher ko noon)

Mam, baguhin nalang po natin, ikaw nalang po ang pangatlo na tatanungin ko. Ano po ang mahalagang pangarap niyo sa inyong mga anak? (Kapag sumagot si mam, kahit ano pa yan, bigyan natin ng masigabong palakpakan. Respeto lang)

(Kapag wala namang anak si Mam, tatanungin ko nalang kung balak niya pa bang mag-asawa. May irereto ako sa kanya)

Lahat ng inyong mga sagot. Lahat ng sagot ng ating guro ay parehas sa pananaw nating lahat at pati na ng ating mga magulang noong tayo’y bata pa lamang.

Walang tama. Walang maling sagot.

Ngayon.

Simulan natin ang kwento, syempre sa istorya ko sa loob ng silid aralan na to.

Naalala ko pa noon itong school na to, dito nagkagusto sa akin yung crush ko. Ayiiiie. Noon, tinidor lang ang baon ko. Makikitusok nalang ako sa baon niya. Busog na ako nun noon sa klase. Tapos naalala ko pa, ninakawan ko ng Diyos ang kaklase ko. Sinipsip ko lang naman ang Juice niya eh. Sinoli ko din ang lalagyanan. Yung Zest-O.

 Maliit lang talaga kung tatawagin tong eskwelahan na to. Marami pa pong kulang. Kulang sa bilang ng teacher ito noon. Kulang sa computer. Kulang sa facilities. Naabutan ko pa nga noon yung mga estudyanteng Sped. One time, may nakasabay ako sa Cr na sped student. Kasama niya yung nagbabantay sa kanya, nasa labas yung nagbabantay sa kanya. Lalaki po tong binabanggit ko ah. Edi sabay kameng nagwiwiwi sa CR, magkagilid kami. Bigla ba naman akong inambahan. Gusto akong suntukin. Edi di ako nagpatalo. Lumaban din ako. Nagka-ambahan kame. In short, pumasok ang isa pang baliw. Ako yun. Naghamunan kame sa CR, pumatol ako eh. Tapos biglang humingi ng saklolo yung nagbabantay sa Sped kasi nakita nila kameng magsusuntukan. Sumigaw yung bantay “Nakikipag away po yung sped student ko.” Mantakin niyo ba naman ako yung inilabas ng gwardiya sa CR. Powtek. Ang sama. Ang sakit sobraaaa.

Masasabi kong ang mundo ng elementarya ay ang mundo kung saan ang first page ng bawat libro natin ay may mabigat na kahulugan sa last page ng buhay natin. Masasabi ko rin na ang buhay sa elementarya ang dapat tutukan ng maigi at itala ang mahahalagang bagay na nangyari sa atin. Isulat at itago kung kinakailangan.

Kung hindi niyo naitatanong, noong bata ako, sa isang klase sa isang subject,  kapag tinanong mo ako kung ano ang pangarap ko sa buhay. Unang pumasok sa isipan ko noon ang salitang “Gusto kong maging Piloto”. Sabagay, tatay ko kasi ay nagtatrabaho sa paliparan ng eroplano ng mga panahong iyon. Wala pa akong ideya o background kung ano ang trabaho ng isang ‘Piloto’. Ang alam ko lang, isa itong pangarap sa buhay na masarap makamit. Nakakainggit siya kapag binanggit.  Habang tumatagal, iba ibang pangyayari ang mga naganap sa akin na nasabi ko sa sarili ko na mahirap palang maabot ang pangarap na pagiging Piloto. Hindi biro. Hindi madali. Ngayon sinasabi ko sa sarili ko. Sana mahawakan ko muli yung ‘apoy’ na nagsabi sa akin na maabot ko ito. Ito ang apoy na nagsabi sa aking walang limitasyon ang buhay. Na kaya kong maabot ito. Kapag lalong tumatagal, at hindi nalabanan ang mga negatibong pumasok sa isipan ko. Nawawala lahat ng saysay ang mga gusto nating maabot. Magkakamali tayo ng daan. Mag iiba tayo ng plano sa buhay. Tatangayin tayo ng ibat’ ibang pangangailangan. Tama ba? Minsan nang dahil sa pangangailangan sa pamilya o ng kasintahan ay napupwersa tayong magbago ng mga goals. Kaya ang pangarap kong maging piloto ang naglaho ng parang bula.

Bata palang ako, gusto ko ng magkwento ng magkwento. Hilig ko maging jollibee. Nais ko maging bida sa kwentuhan. At alam ko naman walang tayong pinangarap na maging kotrabida sa kahit na anumang aspeto ng buhay. Ayokong ipakita sa kanila ang paglalaro. Ang gusto ko lang sabihin sa iba na nakakatuwa ang paglalaro, may iba akong style para magsaya. Sinasabi ko sa mga kaibigan. Tara maglaro pa tayo ng maglaro. Gayahin niyo ako.

*Biglang lalabas sa powerpoint ang picture ko kung saan masaya akong nakangiti nung bata pa ako*

Ibang iba yung buhay ko nung bata ako. Tapat na tapat ako sa nararamdaman ko noon, wala akong tinatago. Paano ko nasabi? Kapag ayoko ang isang tao. Sinasabi ko talaga na ang panget niya. Kapag sinabi kong ayokong pag aralan ang bagay na to. Binibitawan ko talaga. Wala naman kapalit eh. Didirecho nalang ako sa bagay na gusto ko. Magsusulat ako ng nararamdaman ko. Isusulat ko yung pang asar na naisip ko sa kakilala ko. Gagawa ako ng bagay na makakapagpasaya sa akin. Ngayon iba na. Limitado na. Hinahawakan ko ang bagay na natatakot akong mawala sa akin na iniisip ko minsan baka saan ako pulutin kapag binitawan ko ito. Hindi ako marunong mag let-go.

Noon ang tingin ko lang sa mundo ay may Diyos na kahit anong gawin ko, may aalalay sa akin. Ano mang pagkakamali ko. May gagabay sa akin. Ngayon iba na, lahat ng bagay may kapalit na. Minsan may problema na apektado ang pera natin sa bulsa sa bawat kilos at minsan sa pagkakamaling hindi inaasahan. May problemang akala natin katapusan na ng mundo. May problemang akala natin wala ng solusyon. Kapag tumatagal, mare-realize natin na nandyan lang ang ating Panginoon pero tayo pa rin ang maglalaro sa loob ng court. Siya lang ang coach.

Nung bata ako hilig kong magtanong ng magtanong. Di na maiwasang magtanong tungkol sa sex, tungkol sa pangarap at iba pa. Noon bata ako, anumang makita kong kakaiba. Hihinto muna ako sa ginagawa ko at titignan ko yun ng maigi. Sisiyasatin. Aalamin. Hahawakan. Mahalaga na di natin binibitawan ang mga bagay na naging curious tayo. Maganda maging curious palagi.

Bigyan mo ko noon ng mga popsicle stick, glue, manila paper at pencil, ang dami ko ng magagawa dun. Magdidikit pa ako sa mga dingding. Gagawa pa ako ng kunyaring mikropono. Gagawa pa ako ng hagdan nun gawa sa papel. Ginagawa ko pa minsang pera ang mga papel at susulatan ng mga numero. Kasi noon gusto ko, paglaki ko, gusto kong maging mayamang tao. Mabili ko lahat ng gusto ko. Ngayon, hindi lang pala ganun kadali ang maging mayaman. Kailangan gamitin nating lahat ng ating senses: thinking, smell, taste, hear, seeing para umangat. Kung ako tatanungin, marami pang tao ang hindi pa nakakaunawa ng salitang tagumpay, ang iba ang tingin sa tagumpay ay pagiging famous, lalo na sa facebook. Pero habang tumatagal, magiging matagumpay ka lang kapag nakatulong ka na sa iba. Yan ang ginintuang aral ko.

Ang sarap maglaro noon. Kumaen sa oras na gusto natin. At magsaya ng magsaya ng magsaya. Walang kasawa sawa.

Maraming nagsasabi sa atin. Ang buhay ay hindi isang laro. Pero para sa akin. Ito ay isang laro. Walang dapat seryosohin. Walang dapat ipangamba ng sobra sobra. I-enjoy lang ang biyahe.

Marami akong naging pagkakamali sa buhay lalo na sa mga naging plano ko. Pero hindi ako umatras. Sulong pa rin ako ng sulong. Hindi ako huminto.

Kaya bilang isang estudyante. Ang maipapayo ko sa inyo.

Itago niyo ang inyong pangarap. Isalaysay mo nalang sa iba kapag naabot mo na. Kung alam mo sa sarili mo na gusto mong maabot ang mga mithiin mo sa buhay. Wag mong ikwento sa iba. Minsan ang mismong mahal nating sa buhay ang sumisira nito. Mahalagang pakinggan natin ang bumubulong sa ating sariling isipan. Hindi naman kailangan ikwento sa iba ang dapat tahakin. Hindi rin naman sila maglalakad para sa atin. Hindi naman din makakatulong kung i-broadcast pa. Wag niyo ng ikalat. Ito ang klase ng tsismis na dapat ikinikimkim natin nalang sa sarili natin. Ang mahalaga, alamin natin na  habang tumatagal, nauunawaan natin ng mabuti ang mga sangkap upang makuha natin ang tamang lasa ng pangarap.

*Supresa kong ilalabas ang nagawa kong masterpiece, ipapakita ko ang best selling book ko sa lahat*

Itong libro na to, dugo’t pawis ang inalay ko para lang mai-publish lang ito. Dahil gusto ko, kapag wala na akong pustiso, babasahin ko nalang ang mga nagawa kong libro. Laway naman diba ang magpapadikit upang mapunta sa susunod na pahina ng buhay.

Mahalaga na kung ano ka ngayon. Natututo ka pa rin balikan ang nakaraan. Alam mo rin ang bawat lessons na napagdaanan mo.

Minsan kung sino pa yung nagsasabi na tama sila, yun pa yung mga nasa maling sitwasyon. Kapag nasa kritikal na ang buhay niyo. Yun ang tamang lugar na malapit ka na sa pangarap mo. Maniwala po kayo sa akin.

Lahat tayo gustong lumipad. Lahat tayo gustong maging masaya. Kaso dapat dahan dahan lang. Alalay lang wag masyado mag madali sa pag angat. Lumakad muna. Tumakbo ng kaunti. Tumalon kung pwede na at lumipad. Basta may plano tayo sa buhay. Achieved lahat ng ito.

Ang pinakamasayang pangyayari ng buhay natin ay yung bawat dapa. Ang ‘dapa’ ang nagbibigay kulay sa ating buhay. Sa bawat pagkakamali natin. Tayo kagad. Nadapa ulit. Tayo kagad. Nagkamali na naman. Matuto kagad. Yan ang buhay kung saan ipinapaliwag na bilog ang mundo.

Palaisipan ang mga pangyayari sa bawat yugto. Lalo na sa umpisa. Palaging di mo naiintindihan ang lahat. Naranasan ko na yan. Mararanasan niyo din yan. Minsan ililigaw ka ng landas ng pinaniniwalan dito sa mundo, mga relihiyon. Ang payo ko. Paniwalaan mo palagi ang nasa puso mo. Tama man yan o mali. Ikaw ang may control. Yan ang ‘tunay na relihiyon.’

Saya. Kabiguan. Kalungkutan. Maling Desisyon. Ang mali pwedeng maging tama. Ang tama  pwedeng maging mali. Ganyan ang putahe ng buhay.

Lumakad ka sa mundo na ito na bukas ang iyong puso. Sayo mundo kapag bata ka. 


2 comments:

  1. Pagkalalim Na message para SA mga bagets.... Gustuhin PA kaya nilang tumanda pagkatapos ng mensahe mo? Lols

    ReplyDelete
  2. malamang hindi na, nirecall ko yung saya ko nung bata ako eh. Salamat sa comment. Thank you tlga.

    ReplyDelete